MANILA, Philippines – Ilang evacuees, partikular ang nasa Cagayan, ay hindi pa pinapayagang makabalik sa kanilang mga tirahan dahil mataas pa rin ang panganib sa flash flood at landslide.
“There is a high risk of landslide at pagbabaha, so ‘yun nga po hindi pa pinababalik lalo na ‘yung sa Cagayan River area,” ani Presidential Communications Office spokesperson for calamities and natural disasters Joey Villarama sa isang briefing nitong Martes.
Sinabi ni Villarama na ang banta ng Tropical Storm Ofel ay kabilang din sa mga konsiderasyon kung bakit hindi pa pinapayagang makauwi ang mga residente sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ni Office of Civil Defense Region II Director Leon Rafael na naroon din ang panganib ng flash floods, lalo na sa gabi. Aniya, ang mga local government unit ay naatasang unahin ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.
Binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Cagayan River, ayon kay Rafael.
Sinabi ng state weather bureau PAGASA na inaasahang lilipat si Ofel pakanluran hilagang-kanluran hanggang Huwebes ng gabi bago lumiko pahilagang-kanluran patungo sa hilaga para sa natitirang panahon ng pagtataya at maaaring maglandfall sa Hilaga o Gitnang Luzon sa Huwebes ng hapon o gabi. RNT