Home METRO Ilang biyahe ng PNR, suspendido sa pagsasaayos ng sistema

Ilang biyahe ng PNR, suspendido sa pagsasaayos ng sistema

MANILA, Philippines- Hihinto ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) Alabang patungong Calamba route sa Hulyo 2 para bigyang-daan ang pagtatayo ng North-South Commuter Railway (NSCR) system.

Ayon sa PNR, dalawang biyahe lang ang maaapektuhan ng pagsasara ng ruta: isang alas-4:38 ng umaga na biyahe at isang alas-7:56 ng gabi na biyahe. Humigit-kumulang 467 commuter ang sumasakay sa bawat biyahe araw-araw.

Sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez na ang isang elevated, double-track at electrified train system ay itatayo para mapabilis ang konstruksyon ng NSCR.

Papalitan ng bagong sistema ng NSCR ang kasalukuyang street level, single track at diesel locomotive set-up ng PNR.

”The Alabang to Calamba train service will be temporarily suspended to give way to a major construction that will result in a modern train service that will ferry more people, to more places, fast and safe,” sabi ni Usec. Chavez sa isang pahayag.

“Ang pansamantalang abala, ihahatid ay pangmatagalang ginhawa,” sinabi ng opisyal ng transportasyon, at idinagdag na layunin ng gobyerno na makumpleto ang sistema ng NSCR sa loob ng limang taon.

Habang itinatayo ang NSCR sa kahabaan ng ruta, ang mga sumusunod na istasyon ay pansamantalang suspendido tulad ng Alabang, Muntinlupa, San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, Mamatid at Calamba.

Kapag nakumpleto na, ang 147-kilometrong NSCR system ay bibiyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna, na mag-uugnay sa Greater Manila Area sa mga kalapit na lalawigan.

Sinabi ni Chavez na ang NSCR, na tatanggap ng pinansiyal at teknikal na suporta mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank (ADB), ay ituturing na isa sa mga pinakamodernong sistema ng tren sa Southeast Asia.

“We at the Department of Transportation expect the North-South Commuter Railway to provide quality transit service, contribute to the economic development, and generate jobs, dagdag pa ng opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden