Home NATIONWIDE Ilang Chinese nat’l, tiklo sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga, Kalinga

Ilang Chinese nat’l, tiklo sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga, Kalinga

194
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang ilang Chinese nationals sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga City at Tabuk City, Kalinga dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon ng bansa.

Sa Zamboanga City, dinakip ng BI intelligence operatives si Rongtian Shi, 40, matapos salakayin ang isang tindahan ng cellphone at accessories sa Maria Clara Street, Barangay Zone 3 noong Pebrero 2.

Nahuli si Shi na mismong nagpapatakbo ng negosyo at nakikipag-transaksiyon sa mga customer nang isagawa ang operasyon.

Sa beripikasyon ng BI, nadiskubre na may problema sa rekord ni Shi dahil ang kanyang working visa ay ipinetisyon ng kumpanyang nakabase sa Quezon City—isang malinaw na paglabag umano sa immigration laws ng Pilipinas.

Samantala, sa parehong araw sa Tabuk City, Kalinga, inaresto rin ng BI si Huang Xilai, 57, sa loob ng isang establisimyento sa Barangay Dagupan Centro.

Bago madakip, namataan si Huang na personal na nagmamanman sa operasyon ng tindahan, nagbibigay ng utos sa mga Filipino worker, at nagsisilbi ring kahera.

Lumabas sa rekord na overstaying na siya at nagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit. Wala rin siyang maipakitang valid travel documents at digital copy lamang ng kanyang passport ang naiprisinta.

Sa hiwalay pang operasyon sa Barangay Bulanao, Tabuk City, nadakip din ang iba pang Chinese nationals sa isa pang negosyo dahil sa kaparehong paglabag tulad ng overstaying, ilegal na pagtatrabaho, paglabas sa saklaw ng visa petition, at pagiging undocumented.

Kinilala ang mga ito na sina Huang Huifang, 51; Huang Menggui, 24; at Huang Mengjiao, 28.

Lahat ng naarestong dayuhan ay dinala sa Maynila para sa booking, medical examination, biometrics processing, at dokumentasyon bilang paghahanda sa imbestigasyon at posibleng deportation proceedings.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patunay ang mga operasyon sa patuloy na kampanya ng ahensiya laban sa ilegal na pananatili at pagtatrabaho ng mga dayuhan sa bansa.

“Matatag ang Bureau of Immigration sa mandato nitong habulin ang mga dayuhang umaabuso sa kanilang pananatili at lumalabag sa batas ng Pilipinas,” ani Viado.
“Bahagi ito ng aming tuloy-tuloy na hakbang para maprotektahan ang pambansang seguridad at mapangalagaan ang trabaho ng mga Pilipino,” pagtatapos ng opisyal. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here