LEGAZPI CITY, Philippines – Isinugod sa ospital ang ilang estudyante ng Bicol University matapos mahirapang huminga at mawalan ng malay dahil sa colored smoke bombs na ginamit bilang props sa isang school event, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat, ginamit ang mga smoke bomb sa University Olympics — isang linggong palaro ng unibersidad.
Dahil sa insidente, sinuspinde ng pamunuan ng Bicol University ang klase hanggang ngayon, Oktubre 22, upang bigyang-daan ang deep cleaning at paghahanda sa lugar ng palaro.
“Ang mga atleta na may iniindang karamdaman o nasa recovery ay hindi pipilitin lumahok sa kompetisyon. Ang kalusugan at kapakanan nila ang pangunahing konsiderasyon,” ayon sa pahayag ng pamantasan.
Ipinahayag din ng administrasyon na muling magbabalik ang klase sa Oktubre 23, kasabay ng pagpapatuloy ng mga laro hanggang Oktubre 25. /Mary Anne Sapico