MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ilang hakbang ng pamahalaan para mapagaan ang epekto ng inaasahang pagsirit ng presyo ng langis sa nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Kabilang dito ayon sa Pangulo ay ang posibleng tax adjustments sa petroleum products, fuel subsidies, at energy-saving steps sa iba’t ibang tanggapan ng gobyermo.
Sa isang mensahe sa bayan, sinabi ni Pangulong Marcos na nagambala ng gulo sa rehiyon ang global oil supply, partikular na nakaapekto sa pagdaan ng oil tankers sa pamamagitan ng Strait of Hormuz, isa itinuturing na “most critical oil shipping routes” sa buong mundo.
“Kapag may kaguluhan sa rehiyong iyon, gumagalaw ang presyo ng langis. Gumagalaw ang presyo ng kuryente. Gumagalaw ang presyo ng lahat ng bilihin,” ayon sa Pangulo.
Winika pa ng Chief Executive na inaasahang tataas ang presyo ng langis sa susunod na linggo, sa pagtatantiya, ang gasoline ay tataas ng P7.48 kada litro, diesel ng P17.28, at kerosene ng P32.35.
“Malinaw sa atin ang tanong ng maraming Pilipino ngayon: Ano ang gagawin ng pamahalaan? Naghahanda na po tayo,” ang sinabi ng Punong Ehekutibo.
At para matugunan aniya ang situwasyon ay nakikipag-ugnayan na aniya siya sa Kongreso upang mapagkalooban siya (Pangulong Marcos) ng pansamantalang kapangyarihan upang bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo kung papalo ito sa US$80 kada barrel.
Hangad din ng administrasyon na amiyendahan ang Biofuels Act of 2006 para payagan ang paggamit ng mas ‘affordable’ na bioethanol, na maaaring makatulong na mabawasan ang presyo ng gasolina.
Idagdag pa rito, plano rin ng gobyerno na magpalabas ng fuel subsidies at cash transfers sa mga sektor na mas apektado ng inaasahang pagtaas ng presyo.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Pangulo sa publiko na mahigpit na naka-monitor ang mga awtoridad sa market prices para mapigilan ang ‘profiteering at hoarding.’
“Nakikiusap ako sa ating mga negosyante at mga traders: huwag ninyo sanang samantalahin ang sitwasyong ito. Pinapaalala ko sa lahat na ang hoarding at profiteering ay labag sa batas,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Samantala, sinabi ng Pangulo na patuloy na naka-monitor ang gobyerno sa kondisyon ng mga filipino sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration, habang nagsasagawa na ng paghahanda para sa posibleng repatriation o pagpapauwi sa mga nagnanais na magbalik na ng Pilipinas.
Sa kabila ng mga hamon, nanawagan naman ang Pangulo ng pagkakaisa ng mga filipino.
“Hindi natin kontrolado ang digmaan. Pero kontrolado natin kung paano natin poprotektahan ang Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo. (KRIS JOSE)