MANILA, Philippines – Nananatiling lubog sa baha ang ilang lugar sa Cagayan dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Nika, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
“So far, wala ng ibang baha na area kundi Tugegarao at Abulug. The rest of the areas humupa na yung baha doon,” ani Cagayan PDRRMO head Rueli Rapsing sa isang public briefing.
Patuloy pa ring binaha ang Barangay Centro 1, 9, 10, at 11 ani Rapsing. Sinabi niya na ang pangunahing dahilan sa likod ng malawakang pagbaha ay ang pagtaas ng tubig sa Cagayan River.
Sinabi rin ni Rapsing na mahigit 5,000 indibidwal o hindi bababa sa 1,000 pamilya ang nasa evacuation centers pa rin.
Dahil hindi pa naalis ang red alert status mula noong Severe Tropical Storm Kristine, nasa ilalim pa rin aniya ng Charlie o high-risk protocol ang lugar bilang paghahanda sa Bagyong Ofel at Pepito. RNT