Home HOME BANNER STORY Ilang mainstream media iniimbestigahan ng NBI sa paghahasik ng kaguluhan

Ilang mainstream media iniimbestigahan ng NBI sa paghahasik ng kaguluhan

MANILA, Philippines – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na iniimbestigahan nito ang ilang miyembro ng mainstream media na posible umanong naghahasik ng kaguluhan at sedisyon sa publiko.

“Meron tayong iniimbestigahan na kasama natin, legal, legitimate na media men, pero lumalampas na siya sa parameters,” ani Santiago sa panayam ng DZBB.

“‘Yung nag ke-create na sila ng disturbance, nag aangkit na sila na ang tao ay mag commit ng sedition. Ganon po. Lampas na ‘ho,” dagdag niya.

Sa kabila nito, hindi naman tinukoy ni Santiago kung ilan ang iniimbestigahan.

Ngunit sinabi nito na ang mga miyembro ng mainstream media na ito ay sumobra na sa kanilang mga komento at inaabuso na ang kalayaan sa pamamahayag.

“Halimbawa… sinabi mo ay mali naman si direktor diyan. Dapat ganito, dapat ganito. Okay lang po ‘yun, komentaryo niyo ‘yun. ‘Yun ang inyong naiisip na tama,” ani Santiago.

“Pero ‘yung humantong na sa pinagmumura niyo na ako, kung ano-ano na ‘yung pinagsasabi niyo sa akin, ay lampas na po ‘yun sa parameters ng batas,” paliwanag pa nito.

Ang pahayag ni Santiago ay kasundo ng sinabi ng NBI na tinututukan din nito ang 20 vlogger na nagpapakalat ng fake news sa bansa.

“Pinag-aaralan naming mabuti kung bakit gano’n ang tema ng mga vloggers natin ngayon. Meron bang namumuno sa kanila? Tinitignan po namin ‘yan,” ani Santiago nitong Lunes, Marso 24.

“Lahat na. Lahat na. Pati ‘yung paninira nila sa mga government officials. Kung anu-ano ‘yung sinasabi nilang balita na hindi namin totoo,” dagdag niya. RNT/JGC