MANILA, Philippines – Dapat isama ng pamahalaan sa pagsuporta sa pagsusulong ng mga produktong gawang Pilipino ang pangangalaga sa lupaing agrikultural na mahalaga sa domestic industries.
Ito ang iginiit ni reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino, nang tanungin kung paano matutugunan ng gobyerno ang patuloy na conversion ng coconut farmlands sa lalawigan upang bigyang-daan ang mga subdivision at commercial establishments.
“There must be a way to link the ‘One Town, One Product’ law that we just passed to fill in policy gaps due to the absence of a National Land Use Plan,” anang senador sa tanong ng local media sa Alyansa press conference sa Laguna.
Ang tinutukoy ni Tolentino ay ang Republic Act No. 11981, o ang ‘Tatak Pinoy’ (Proudly Filipino) Law, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong nakaraang taon.
Sinabi ni TOL na pag-aaralan niya ang mga implementing rules ng batas para makita kung paano mapipigilan ng gobyerno ang unwarranted conversion ng mga lupang agrikultural, hindi lamang sa Laguna, kundi maging sa ibang lalawigan.
“We can regulate the issuance of permits and clearances. You can’t be allowed to just wipe out coconut plantations,” idiniin ni Tolentino.
“Bata pa ako, naaalala ko na ang San Pablo City ay may Franklin Baker dati,” paggunita ng senador, na tinutukoy ang kumpanyang kilala sa paggawa ng desiccated coconut at pagbibigay ng mga sangkap ng niyog sa mga pangunahing confectioneries sa buong mundo.
Bilang karagdagan, ang Laguna ay kilala sa paggawa ng mga coconut based delicacy, lalo na ang iconic na buko pie.
Sinabi ni Tolentino na ang parehong pamamaraan ay maaaring gamitin upang maprotektahan ang mga lanzones farm sa Alaminos at palay field sa mga bayan tulad ng Victoria at Pila mula sa hindi nararapat na land-use conversion.
Binigyang-diin ng senador na sinusuportahan niya ang pagpasa ng National Land Use Plan Act, na nalugmok sa legislative mill sa loob ng mahigit isang dekada.
“Sinusuportahan ko ang panawagan na buhayin ang National Land Use Plan Act na matagal nang nakabinbin, gaya ng sinabi ni dating Senate President Vicente Sotto III, mula noong 15th Congress,” aniya, na tumutukoy sa panukalang naglalayong isustina ang paggamit at paglalaan ng yamang lupa ng bansa. RNT