SOUTH KOREA – Pahirapan pa ring apulahin ang kabi-kabilang wildfire sa South Korea.
Sa ulat, mahigit isang dosena nang mga wildfire ang sumiklab mula noong weekend na ikinasunog ng libo-libong ektarya ng lupain at apat na nasawi.
“The wildfires have so far affected approximately 14,694 hectares (36,310 acres), with damage continuing to grow,” pahayag ni acting Interior and Safety Minister Ko Ki-dong.
Kung pagsasama-samahin ang mga pinsala sa wildfire ay maituturing itong ikatlo sa pinakamalaking sunog sa South Korea na naitala sa kasaysayan.
Ang pinakamalaki ay noong Abril 2000 kung saan 23,913 ektarya ng lupain ang natupok sa east coast.
Samantala, inilikas naman ang nasa 3,000 katao.
Maliban sa mga nasawi ay mayroong 11 katao ang nasaktan sa wildfire.
“Strong winds, dry weather, and haze are hampering firefighting efforts,” ani Ko.
Nasa 110 helicopter at mahigit 6,700 tauhan na ang ipinadala ng pamahalaan para apulahin ang mga wildfire. RNT/JGC