MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo na ilang transport network companies (TNCs) ang nagbawas ng komisyon na sinisingil sa kanilang driver-partners bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa LTFRB, ito ay napag-usapan sa pulong ng mga TNC at ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II noong nakaraang linggo.
Sinabi ng ahensya na umabot sa 10% ang pinakamataas na ibinabang komisyon, at may hindi bababa sa tatlong TNCs na pansamantalang tinanggal ang kanilang komisyon habang hindi pa bumabawi ang transport sector.
Ayon sa LTFRB, “The commission reduction reached the maximum of 10 percent and at least three of the TNCs even went to the extent of waiving all their commission on temporary basis until the transport sector recovered.”
Pinuri ni Mendoza ang hakbang ng mga TNC, na tinawag niyang malaking tulong sa mga driver-partners.
Ayon sa kanya, “This is really commendable… Malaking tulong ito sa mga TNVS partners sa panahon ngayon na talagang mahal ang diesel at gasolina.”
Kabilang sa mga pagbabago sa komisyon ay ang sumusunod:
Motorcycle TNCs:
-Joyride: 20% → 18%
-Angkas: 20% → 18%
-Move It: 21% → 15%
-Para Xpress: 20% → 15%
-Maxim: 20% → 18%
-GrabBike: 20% → 15%
Car TNCs:
-Grab: 20% → 15%
-Lalamove Rides: 2% → 0%
-InDrive: 10% → 8.92%
-Joy Ride: 20% → 10%
-Angcars: 10% → 8%
-Toktok: 20% → 15%
-Go Cab: 10% → 0%
Ayon sa LTFRB, layunin ng hakbang na ito na matulungan ang mga TNVS driver na apektado ng mataas na presyo ng gasolina at diesel. RNT/MND