Home HOME BANNER STORY Illegal clinic na tumatanggap ng Chinese POGO workers, nilusob ng NBI

Illegal clinic na tumatanggap ng Chinese POGO workers, nilusob ng NBI

MANILA, Philippines – Nilusob ng National Bureau of Investigation (NBI) ang illegal clinic sa Makati City na tumatanggap ng mga Chinese nationals, particular na ang mga manggagawa sa Philippine offshore gaming operators (POGO).

Ang clinic ay matatagpuan sa Barangay San Isidro at possible umanong may kaugnayan sa illegal POGO hub sa CALABARZON region na minomonitor din ng NBI.

Nagresulta ang raid sa pagkakahuli sa apat na pasyenteng Chinese at pitong Filipino clinic personnel. Dalawa rito ay mga doktor.

“Puro ang sagot nila ay wala silang alam dito, ang mga pasyente daw nila ay Pilipino. Pero talagang during our surveillance, nagke-cater lamang sila sa Chinese,” ayon kay NBI Director Jaime Santiago, na tumutukoy sa mga nahuling Pinoy.

Ani Santiago, sinabi ng isa sa mga pasyenteng Chinese na isa sa mga doctor ay kababayan din nila.

Bigo namang mahuli ng mga awtoridad ang Chinese doctor.

Pinaniniwalaang isa ito sa dalawang Chinese national na nakatakas.

“Kung saan saan sila tumalon sa ibang mga bakuran dito, mga eskinita, bubong, sinikap talagang habulin ngunit di sila naabutan,” ani NBI Calabarzon Regional Director Eric Mercado.

Nadiskubre rin na ang mga nilusob na clinic ay hindi nakarehistro sa Department of Health.

Samantala, narekober din sa naturang clinic ang mga Chinese medicine na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration.

Dinala na ng NBI sa headquarters nito ang apat na Chinese at pitong Pinoy para imbestigahan. RNT/JGC