Home NATIONWIDE Illegal POGO sa bansa lumolobo

Illegal POGO sa bansa lumolobo

MANILA, Philippines- Lumobo ang bilang ng mga ilegal na POGO o Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa, ayon sa Presidential Anti Organized Crime Commission o PAOCC sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules.

Kasabay ng kumpirmasyon ni PAOCC Director Gilbert Cruz, sinabi nito na maraming bilang ng mga ilegal na POGO sa bansa ang nasa National Capital Region (NCR).

Batay na rin ito sa mga ginagawang pagsalakay sa mga POGO hub.

Ayon pa kay Cruz, may na-monitor din silang mga nag-ooperate na illegal POGO companies sa Visayas at Mindanao na hindi nagre-renew ng kanilang lisensya.

Sa mga POGO sa bansa, sinabi ni Cruz na 49 lamang ang lisensyado at lehitimong nakapag-ooperate.

Binanggit ni Cruz na ang hindi pagre-renew ng lisensya ng mga kompanya ang isa sa nakikita nilang dahilan sa pagdami ng illegal POGO companies.

Kumbinsido si Cruz na batid ng POGO companies na hindi na sila bibigyan ng lisensya dahil sa mga paglabag at ilegal na gawain gaya ng scam at pagpapahirap at pananakit o torture.

Apela ni Cruz sa gobyerno, repasuhin ang mga regulasyon para higpitan pa ang paglalabas ng lisensya sa mga POGO at mga dayuhang kawani. Jocelyn Tabangcura-Domenden