MANILA, Philippines – Arestado sa operasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang hinihinalang illegal recruiter kasama ang Russian fiance nito at dalawang bodyguard sa Pasay City nitong Miyerkules, Marso 25.
Sa kalatas nitong Huwebes, sinabi ng DMW na naaresto ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group–Anti-Transnational Crime Unit (PNP CIDG-ATCU), at CIDG Anti-Organized Crime Unit ang suspek na kinilalang si Celesti Maxilum, sa joint operation.
“Nag-ugat ang kanilang pag-aresto sa report ng isang biktima na aniya ay pinangakuan ni Maxilum ng trabaho bilang production worker sa bansang New Zealand at Japan sa loob ng tatlong taong kontrata kapalit umano ng sahod na halagang PHP100,000,” ayon sa DMW.
Sinabi ng ahensya na kumukolekta umano si Maxilum ng processing fees na mula P30,000 hanggang P72,500 sa mga aplikante kapalit ng pangakong trabaho abroad.
Ayon sa mga imbestigador, nakatanggap na sila ng mahigit 10 reklamo laban sa suspek para sa illegal recruitment.
Inihahanda na ang pormal na reklamo ng illegal recruitment sa mga naarestong indibidwal. RNT/JGC