Home NATIONWIDE Illegal recruiter na nag-aalok ng pekeng trabaho sa SoKor, inaresto

Illegal recruiter na nag-aalok ng pekeng trabaho sa SoKor, inaresto

MANILA, Philippines – Tiklo ang isang babae na pinaniniwalaang nakapanloko ng tatlong katao sa bogus employment offers nito para sa South Korea.

Ayon sa Department of Migrant Workers, ang mga biktimang sina Eugenio Carurucan Cruz, Ralph Alfred De Castro Vergarra, at Eugene John Cuz Dalit ay pinangakuan ng trabaho bilang seasonal farm workers sa Jeju Island, South Korea sa buwanang sahod na P80,000 ng suspek na si Nenita Yumol Sanguilas noong Pebrero 20, 2024.

Inobliga ni Sanguilas ang mga biktima na magbayad ng P150,000 para sa processing fee at masiguro ang kanilang pag-alis noong Pebrero 29.

Nagbayad ang mga biktima ng mula P120,000 at P130,000 para sa serbisyo ngunit natapos na ang ilang buwan ay hindi pa rin sila nakakaalis.

Dito na nagreklamo ang mga biktima sa DMW.

“Nakumpirma nila na walang lisensya ito para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa,” saad sa pahayag ng DMW.

Nahuli ang suspek habang tumatanggap ng marked money mula sa mga biktima sa joint entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU), at Department of Migrant Workers-Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Sabado ng umaga, Hunyo 22.

Nasa kustodiya ng CIDG Detention Facility sa Camp Crame si Sanguilas at nahaharap sa kasong large-scale illegal recruitment at estafa.

Samantala, hinikayat naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang iba pang mga posibleng biktima na maghain din ng reklamo. RNT/JGC