MANILA, Philippines – Arestado ang isang illegal na recruiter na umano’y nangangako ng trabaho sa Canada.
Ayon sa ulat sa Balitanghali, nahuli ang recruiter sa isang operasyon ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) habang tumatanggap ng pera mula sa isa sa kanyang mga biktima.
Ang recruiter ay mayroong 27 biktima na inalok ng trabaho bilang skilled workers o magsasaka sa Canada kapalit ng pera na umaabot mula P120,000 hanggang P160,000.
Pinangakuan umano ang mga biktima ng mataas na sahod, libreng tirahan, at pagkain, ngunit nang makarating sila sa Manila, wala silang natagpuang trabaho.
Patuloy ang follow-up na operasyon ng mga awtoridad at iniimbestigahan pa kung ang recruiter ay bahagi ng isang malaking grupo.
Hinikayat ng PNP-CIDG ang publiko na maging maingat kapag nag-aaplay para sa trabaho sa ibang bansa at tiyakin ang pagiging lehitimo ng recruiter, lalo na kung hindi ito lisensyado ng Department of Migrant Workers (DMW). RNT