Home METRO Illegal recruiter sa Dagupan, arestado sa Pasay

Illegal recruiter sa Dagupan, arestado sa Pasay

MANILA, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang isang lalaking wanted sa kasong large-scale illegal recruitment sa Dagupan City nitong Biyernes, Pebrero 9.

Sa isinumiteng report ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang suspect sa alyas lamang na Jamil, 59.

Sinabi ni Mayames na nadakip ng mga tauhan ng WSS si alyas Jamil dakong alas 10:30 ng umaga sa Pasadena St. in Barangay 77, Pasay City.

Ayon kay Mayames, ang pagkakaaresto kay alyas Jamil ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Enero 22, 2021 ni Dagupan Regional Trial Court (RTC) Judge Dorothy Jimenez Alarcon-Padilla ng Branch 42 na walang rekomendasyon ng piyansa.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ang suspect habang nakikipag-ugnayan ang Pasay City police sa korte sa Dagupan upang maipaabot sa kanilang kaalaman ang pagkakaaresto ni alyas Jamil. James I. Catapusan

Previous articleP7M shabu nasabat, suspek arestado
Next article10 pasahero ng nasiraang motorbanca sa Romblon, nasagip