Naghain ang Kawasaki Motors Philippine Corporation (KMPC) ng counter manifestation sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) tungkol sa petisyon nito para ideklara ang illegal strike at tanggalin sa trabaho ang mga opisyal ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nanguna sa strike na nagsimula pa noong Mayo 21, 2025, na nakabinbin sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Sa labingpitong pahinang counter manifestation ng KMPC, inisa-isa ng management ang lahat ng maling paratang ng KULU upang bigyang-katwiran ang kanilang inilunsad na strike, na ngayon ay nasa ika-76 araw na.
Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng KMPC, malinaw na nilabag ng KULU ang “no strike, no lockout” clause sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nakasaad sa ilalim ng Article XVII, Section 1 ng CBA na may petsang Mayo 24, 2022. Aniya, pinapayagan din sa ilalim ng Article 279(a) ng Labor Code ang pagtatanggal sa mga union officers na nagpartisipa sa illegal strike.
Sinabi ni Atty. Bonifacio na 10.50% + P50.00 ang kabuuang increase na nais ng KULU mula sa KMPC, na “financially unsustainable” base sa kasalukuyang sitwasyon ng kumpanya. Kung ikukumpara, lubha umano itong mas mataas sa 6% increase na ginawad ng kumpanya kamakailan para sa kanilang Supervisory Union na may hiwalay ding CBA.
Ipinaliwanag ng KMPC sa NCMB na masyadong mataas ang wage demands ng KULU. Kabilang sa hiling ng unyon ay 10.50% annual salary increase para sa July 1, 2024, 2025, at 2026; dagdag na P50.00 kada buwan sa basic pay; uniform provision mula 3 ay gawing 5; May 1st Assistance mula P10,000 ay gawing P15,000; matrimonial leave na 3 ay gawing 5 araw; funeral assistance sa namatay na empleyado na P75,000 ay gawing P100,000, at sa mga family member ay P50,000 mula sa dating P25,000; bereavement at emergency leave na gawing 7 araw; perfect attendance incentive na P3,000 kada taon at P400 kada buwan; motorcycle loan discount na gawing 30% mula sa 11%; educational assistance na gawing P10,000 mula sa P5,000; at signing bonus na P25,000.00.
Wala ring batayan ang alegasyon ng KULU na mayroong sapat na kita ang KMPC na P162M kada taon at P21M na bank deposits upang matugunan ang kanilang mga hiling na dagdag sahod at benepisyo. Inamin ng KMPC na mula 2020 hanggang 2024 ay nasa P688M ang kanilang nalugi, bunga ng pandemya, at ang kanilang financial statements ay isinumite rin sa NCMB at NLRC bilang patunay.
Ang CBA negotiation ng KULU at KMPC ay higit isang taon nang nasa NCMB, at bilang pagpapakita ng “good faith,” inaprubahan ng management ang ilang demands ng union maliban sa 10.5% + P50 increase, dahil ang kaya lamang ng kumpanya ay hanggang 5%—kung hindi ay magsasara na ito bilang resulta ng pagkalugi.
Depensa ng KMPC, sa kabila ng pagkalugi ng kumpanya sa nakalipas na mga taon, ay hindi ito nagsagawa ng layoffs bilang konsiderasyon sa kanilang mga empleyado. Nagsagawa rin ito ng cost-saving measures, kabilang na ang pagpapasara sa 14 Kawasaki Service Centers (6 sa Luzon, 8 sa Visayas-Mindanao) upang makatipid ng P2.6 milyon kada taon.
Hiniling ng KMPC sa NLRC na maresolba na ang illegal strike at mapanagot ang nasa likod nito upang maibalik na sa normal ang operasyon ng kumpanya, para na rin sa kapakanan ng lahat ng stakeholders.
Ang KMPC, na ang mother company ay nasa Japan, ay may 60 taon nang nagnenegosyo sa Pilipinas at ngayon lamang nagkaroon ng strike kaugnay sa kanilang CBA. RNT