ILOILO, Philippines – Magbabalik sa regular na limang araw na workweek ang mga tanggapan ng Iloilo City Hall simula Hunyo 8, matapos irekomenda ito ng city crisis management council.
Ayon sa konseho, napagdesisyunan ang pagbabalik sa normal na operasyon matapos suriin ang kasalukuyang sitwasyon at makita na naging epektibo ang mga naunang austerity measures na ipinatupad upang makatipid sa enerhiya at gasolina.
Dahil sa positibong resulta ng mga hakbang na ito at sa unti-unting pagbuti ng sitwasyon, pinayagan na ang pagbabalik ng regular na operasyon ng mga opisina tuwing Biyernes.
Inaasahang maglalabas ang lokal na pamahalaan ng isang executive order upang pormal na ipatupad ang desisyon.
Kasabay nito, inirekomenda rin ng crisis management council na ituon na ang paghahanda sa mga posibleng epekto ng El Niño upang mabawasan ang magiging epekto nito sa lungsod.
Tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na patuloy nilang babantayan ang sitwasyon at agad na tutugon sa anumang pagbabago upang mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente. RNT/MND