MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa patuloy nitong pagbibigay ng tulong sa mga residente ng lungsod matapos personal na ipamahagi ng Pangulo ang tig-₱20,000 scholarship sa 4,426 graduating college students mula sa anim na distrito ng Maynila sa ginanap na programa sa Rizal Memorial Stadium noong Miyerkules, Hunyo 3.
Ayon kay Domagoso, hindi umano tumitigil si Marcos sa pagtulong sa mga Manileño sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng pamahalaan na naglalayong mapagaan ang buhay ng mga mamamayan.
“Hindi tumitigil si Pangulong Marcos na tulungan ang Lungsod ng Maynila. Tayo ngayon ay nagkikita-kita at nagkakasama-sama, dala ng panibagong tulong ng Office of the President through the leadership of President Bongbong Marcos,” ani ng alkalde.
Ipinaalam din ni Domagoso sa Pangulo na kasalukuyan nang ipinamamahagi sa buong lungsod ang ikalawang bugso ng programang “Biyayang Bigas para sa Maynila,” partikular para sa mga manggagawa sa lungsod.
“Since yesterday is the 2nd tranche of your ‘Biyayang Bigas para sa Maynila’ program sa Lungsod ng Maynila, idinideliver po ngayon sa lahat, lalong-lalo na sa mga manggagawa na nasa loob ng Maynila,” dagdag niya.
Ang 4,426 benepisyaryo ay nagmula sa 896 barangay ng Maynila na sakop ng anim na congressional districts. Bawat isa ay makatatanggap ng ₱20,000 na ayuda sa edukasyon, na nagkakahalaga ng kabuuang ₱88.52 milyon.
Samantala, sinabi ni Marcos na layunin ng programang scholarship na tinawag niyang “Bawat Bayan ay Makikinabang” na matulungan ang mga estudyanteng malapit nang makapagtapos ngunit nanganganib na hindi maituloy ang pag-aaral dahil sa kakulangan sa pananalapi.
“Sabi namin, mamili kayo sa bawat barangay ng limang estudyante na bibigyan natin ng tulong. Ang piliin ninyo ay yung mga magtatapos na, pero baka hindi makatapos dahil kulang sa pambayad, kailangan magtrabaho, o kung ano man ang dahilan,” pahayag ng Pangulo.
Binanggit din ni Marcos ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education na nagpapakitang halos 29 porsiyento ng mga college student sa bansa ang huminto sa pag-aaral noong 2025, dahilan upang ilunsad ang naturang programa upang mabawasan ang bilang ng mga hindi nakapagtatapos ng kolehiyo.
Ayon sa Office of the President, saklaw ng programa ang lahat ng 42,000 barangay sa buong bansa kung saan limang iskolar ang pipiliin sa bawat barangay. Sa ilalim ng Social Civic Development Program, ang ₱200,000 pondong inilaan kada barangay ay hahatiin sa dalawang bahagi—₱100,000 para sa limang iskolar at ang natitirang ₱100,000 ay maaaring gamitin ng mga barangay chairman para sa iba pang pangangailangan ng kanilang komunidad. JAY Reyes







