MANILA, Philippines – Naglabas si Vice President Sara Duterte ng isang bukas na liham para kay Kiko Barzaga upang ipahayag ang kanyang suporta matapos itong mapatalsik sa House of Representatives.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Duterte na “being different is okay” at hinikayat si Barzaga na manatiling totoo sa kanyang sarili sa kabila ng mga batikos na kanyang natatanggap dahil sa kakaibang asal at mga ginagawa sa publiko.
“Ako man ay itinuturing na kakaiba. Ilang beses na akong tinawag na baliw, bobo, at kung anu-ano pa dahil lamang sa pagtangging sumunod sa nakasanayan,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, “Walking alone is okay, too. It takes courage to charge forward even if no one will follow you.”
Hindi man siya nagbanggit ng ibang politiko, sinabi ni Duterte na naiiba si Barzaga dahil umano’y hindi ito nahatulan ng child abuse, hindi nag-uwi ng “maletas” ng pondo ng bayan, hindi pumayag sa korapsyon, at hindi nagpalaganap ng ilegal na gawain sa kanyang tanggapan.
Tinapos ng Bise Presidente ang liham sa paghimok kay Barzaga na magpagaling mula sa sipon, uminom ng mas maraming tubig, at mag-Vitamin C.
Samantala, natanggal sa kanyang puwesto si Barzaga matapos bumoto ang 265 miyembro ng Kamara pabor sa kanyang pagpapatalsik. Ayon sa Kamara, ang desisyon ay kaugnay ng umano’y hindi angkop na asal ni Barzaga sa publiko at sa social media.
Kabilang sa mga isyung ibinabato sa kanya ang umano’y pag-insulto kay Ferdinand Marcos Jr. at sa isang yumaong kongresista, pagbibiro tungkol sa pagsunog sa Batasang Pambansa, at mga alegasyon ng panunuhol laban sa mga mambabatas na umano’y wala namang sapat na ebidensya.
Bukod sa 265 bumoto pabor sa pagpapatalsik, 14 ang tumutol at 8 ang nag-abstain. RNT/MND