Home OPINION IMBESTIGASYON, DEMANDAHAN AT PAMUMULITIKA

IMBESTIGASYON, DEMANDAHAN AT PAMUMULITIKA

252
0

NAGHAHALO ang balat sa tinalupan kaugnay ng salot na korapsyon sa mahal kong Pinas.

Hindi na lang imbestigasyon ang nagaganap kundi demandahan.

Pero hindi lang sa larangang ligal ang labanan kundi sa pulitika na konektado sa halalang 2028 o anomang panahon bago pa dumating ang nasabing halalan o kaya’y lagpas pa sa 2028.

Nayayanig tuloy ang buong bayan at walang nakaaalam kung hahantong ito sa katulad ng malalakas na lindol na mapanira sa buhay, ari-arian at buong bayan.

PAGPAPABAGSAK KINA PBBM, VP SARA

Alalahaning may nagtatangkang pabagsakin ang administrasyong Marcos sa iba’t ibang paraan.

Kasama sa paraan ang pagsasampa ng kasong impeachment laban mismo kay Pangulong Bongbong Marcos dahil umano sa mga korapsyon na kinasasangkutan nito at pag-aapruba sa mga pambansang badyet na alam umano niyang puno ng katiwalian na umabot sa P1.2 trilyon, partikular sa flood control program sa nakalipas na tatlong taon.

May ilan na ring nag-atras ng kanilang suporta mismo sa hanay ng mga sundalo gaya nina retired Air Force General Romeo Poquiz at Army Col. Audie Mongao.

Kasama ring sasampahan ng kaso si Vice President Sara Duterte dahil umano sa kuwestiyunableng paghawak nito sa P125 milyong confidential fund at iba pa.

Balak ng iba na pagsabayin o pagsunurin sina PBBM at VP Sara na masampahan ng kasong impeachment.

MATINDI RIN SA IBANG AHENSYA

Sa hanay rin ng ibang mga ahensya ng gobyerno, nagkakagulo rin.

Naririyan ang imbestigasyon sa kontrobersyal na Cabral Files na iniwan ni nasawing DPWH Undersecretary Cathy Cabral.

Dahil sa rami ng kopya rito na nasa kamay na umano ng marami, may pagdududa na kung aling kopya ang tunay o peke o buo o kulang, kahit pa ang hawak ng Ombudsman.

Pero nauwi na rin ito sa dagdag-imbestigasyon at demandahan sa labas nito gaya ng nais gawin ng Ombudsman sa umano’y bentahan ng solar company ni Batangas Congressman Leandro Legarda Leviste.

Naririyan din ang demandang cyber libel ni business tycoon Enrique Razon laban kay Cavite Cong. Kiko Barzaga sa akusasyon ng huli na sinuhulan ng una ang mga kasapi ng National Unity Party para suportahan si Cong. Martin Romualdez bilang House Speaker nitong 2025.

Naririyan naman ang claim ni Senator Ping Lacson na maling mga coordinate at datos sa mga maiskandalong flood control project ang ginawa ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagbunga ng pagdududa sa mga datos sa Isumbong mo sa Pangulo website at nagbunga ng mga maling pahayag mismo ang Pangulo.

Kaya naman, dapat na ring pauwiin si Bonoan sa Pinas para maimbestigahan, kasabay ng pagpapauwi kay dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co.

Paano naman kaya kung ikumpirma ni Co ang lahat ng kanyang pinagsasabi sa bisa ng sinumpaang salaysay na sangkot ang pamilya Marcos sa iba’t ibang korapsyon kapag ito’y napauwi?

Paano rin kung bigyang-linaw ni Bonoan ang Cabral Files na nagsasangkot ng maraming kongresman, senador at taga-Palasyo sa P1.2 trilyong flood control scandal kung ito’y maibabalik sa Pinas?

PANSARILING INTERES

Ayon sa mga sumusubaybay at nag-aaral sa mga pangyayaring ito, may mga pansariling interes, lalo ang pang-aagaw sa kapangyarihan, ang mga kumikilos dito.

Saan kaya impiyerno o langit hihilahin ang taumbayan ng mga ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here