MANILA, Philippines – Tututok ang Philippine National Police (PNP) sa pagkuha at pag-secure ng ebidensya kaugnay ng pagkamatay ng dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Maria Catalina Cabral, matapos matagpuan ang kanyang katawan sa Benguet.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Nartatez Jr., iniinterogate ang driver ni Cabral matapos nitong iwan ang opisyal noong Huwebes sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, alinsunod sa hiling ni Cabral.
“Sa pagkumpirma ng kanyang pagkamatay, nalinawan na ang mga spekulasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng katawan. Ang susunod na hakbang ay alamin ang tunay na nangyari, at ito ang kasalukuyang pokus ng aming imbestigasyon,” ani Nartatez.
Si Cabral, dating undersecretary para sa planning at public-private partnerships ng DPWH, ay idineklara nang patay noong madaling araw ng Disyembre 19 matapos siyang matagpuan na “walang malay at hindi tumutugon” sa tabi ng Bued River, humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro pababa ng Kennon Road, isang araw bago iyon.
Pinayuhan ng Office of the Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na i-secure ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral.
Samantala, nagsagawa ng paghahanap ang National Bureau of Investigation (NBI) sa hotel room ni Cabral sa Baguio City upang makakuha ng ebidensya hinggil sa mga pangyayari sa kanyang pagkamatay.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan rin ang PNP sa Independent Commission for Infrastructure at iba pang kaugnay na ahensya upang tukuyin ang mga ebidensyang dapat ma-secure kaugnay ng imbestigasyon sa flood control projects.
Bago ang kanyang pagkamatay, nakatakda ang Department of Justice na i-refer sa Ombudsman ang plunder case laban kay Cabral, kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Upang maiwasan ang anumang lapses, iniutos ni Nartatez ang mas istriktong superbisyon sa mga lokal na police units na humahawak sa kaso ni Cabral, kasunod ng pagpapa-relieve sa posisyon ng hepe ng Tuba, Benguet Police.
“Hindi lamang ito upang linawin ang mga pangyayari sa kanyang pagkamatay, kundi upang suportahan din ang aming imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control ng DPWH upang walang ebidensya ang makaligtaan,” dagdag pa ni Nartatez. RNT/JGC