MANILA, Philippines – Nanawagan si Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez sa Senado na huwag gawing political circus ang isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng PDEA leaks, kung saan ang pinagsasalita ay testigo na kuwestyunable ang kredibilidad.
Ayon kay Suarez, kuwestiyonable kung bakit hinahayaan ng Senado ang imbestigasyon ng komite ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nakakadalawang pagdinig na kahit wala naman itong nararating.
“I thank and I congratulate Senate President Migz for saying na sana hindi gawing political circus ‘yung hearing. Kaso nakakadalawang hearing na sila eh,” pahayag ni Suarez.
Ipinunto ni Suarez ang kuwestyunableng kredibilidad ni Jonathan Morales, ang sinibak na PDEA agent na nagsisilbing testigo sa pagdinig ng komite ni Dela Rosa.
Sinabi ni Suarez na itinanggi na ng PDEA na totoo ang dokumento ni Morales na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot noong 2012.
Ang PDEA leak ay sinasabing ikinalat ng isang vlogger.
“At pangalawa, bakit ang pagbabasehan nila mga dokumento na galing sa vlogger?” tanong ni Suarez. “I mean when you want to do a probe, I mean first establish the veracity of your documents.” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza