MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Linggo na muling buksan ang imbestigasyon sa pagkasawi ni retired police general at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga.
Base sa ulat, ipinalabas umano ni Police General Rommel Marbil ang kautusan matapos lumitaw ang bagong impormasyon na ang pagpaslang kay Barayuga noong 2020 ay may kaugnayan umano sa isang senior government official batay sa pagsasalaysay sa Quadcom hearing ng House of Representatives.
Inakusahan ng isang pulis nitong Biyernes sina dating PCSO General Manager Royina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ng pag-uutos ng July 2020 killing kay Barayuga.
Inihayag ni Marbil ang pangangailangan para sa masusing imbestigasyon upang makamit ni Barayuga at kanyang pamilya ang hustisya. RNT/SA