Home NATIONWIDE Imbestigasyon sa flood control projects, sinimulan ng Kamara

Imbestigasyon sa flood control projects, sinimulan ng Kamara

309
0

MANILA, Philippines – Umusad na sa Kamara ang imbestigasyon ukol sa mga palpak na proyekto ukol sa flood control kung saan dumating sa pagdinig ang mga inimbitahang opisyal ng Department of Public Works and Highways at Department of Budget and Management (DBM).

Nagkaroon ng tensyon sa naturang pagdinig nang almahan ni House Deputy Speaker Janette Garin ang mosyon ng mga kapwa kongresista na ipatawag sa pagdinig sina Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, chairperson ng House Committee on Appropriations noong 19th Congress at Senador Grace Poe, dating chairman naman ng Senate Finance Committee upang ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice ay maipaliwanag ang mga singit o insertions sa 2025 budget.

Umapela si Garin sa mga kapwa mambabatas na maaaring ipatawag ang mga dating opisyal ngunit mas mahalaga aniya na mapag-usapan sa imbestigasyon kung paanong nangyayari ang mga “ghost projects” sa ilalim ng DPWH upang aniya’y hindi na ito maulit sa mga susunod na panahon.

“We need to know paano ito nangyayari. Instead of focusing on a single situation baka pwedeng we can invite them, who is not a member of the four committees. The former chairman of Appropriations Committee is not a member of all the committees here. Pwede naman niyang imbitahin. Let us not make this investigation personal. Let us all work together  so in the 2026 budget where we are on going deliberation, let us identify iyong mga singit na flood control budget,” emosyonal na pakiusap ni Garin.

Nauna rito ay iginiit din ni Davao Rep. Isidro Ungab na noong August 4 ay tumayo siya sa plenaryo kung saan sinabi niya sa isang privilege speech na ang 2025 national budget ay siyang pina-korap na badyet sa kasaysayan ng Kongreso.

Labis na ipinagtataka ni Ungab na matapos ang kaniyang privilege speech ay walang tumayo para pasinungalingan ang kaniyang mga pahayag.

“Sa time namin, kapag may nag-mention sa previous budget, iyong former chairman ay tatayo agad iyan sa plenaryo to explain kung ano ang nangyari. Mr. Chairman, August 4 ako nagsabi na ang 2025 is the most corrupt budget pero hanggang ngayon ay wala akong narinig na denial man lamang sa previous chairman o previous members ng komite. That this means na hindi kayang I-dispute ang sinabi ko?” giit ni Ungab.

Ngunit inalmahan at agad na tinutulan naman ni Manila Rep. Benny Abante ang mosyon na ipatawag sa pagdinig sina Co at Poe dahil gusto niyang malinawan kung ang imbitasyon bilang resource person o kabaro o kapwa mambabatas.

Ngunit sinansala ito ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa pagsasabing kung hindi maiimbitahan si Co ay nangangahulugan na exempted sa imbestigasyon ang mga kongresista.

“Sabi niyo kanina, kahit sino pa ang masagasaan ay wala tayong sasantuhin kahit congressman, kahit senador.  Kung ang congressman ay hindi pwedeng maging resource person at hindi natin pwedeng ipa-testify under oath eh di ibig sabihin sa usapang ito ay exempted ang congressman. So paano tayo mag-iimbestiga?” ayon naman kay Tiangco.

Ang pagdinig ay pinangunahan ng House Infrastructure Commitee, ang pinagsamang mga komite ng House Committees on Public Accounts, Public Works at Good Government, para siyasatin ang mga maanomalyang proyektong pang-imprastraktura sa bansa, partikular mga flood control projects na inaasahang ng mga Pilipino sa panahon ng matinding pag-ulan at bagyo.

Sinabi ni Bicol-Saro Rep. Terry Ridon na ang inisyatibong ito ng tatlong komite ay pagtugon sa panawagan ng Pangulo na siyasatin ang lahat ng mga flood control projects na binanggit nito sa pinakahuling State of the Nation Address, partikular ang mga proyektong ghost, substandard, at sobra ang presyo.

“This inquiry is in the exercise of Congress’ oversight power on any and every department or agency of government, most particularly on matters involving corruption allegations of government officials. Like what had been stated earlier, the inquiry will be project-based and evidence-based, with initial focus on the President’s site inspections in Bulacan and Benguet, in which ghost and substandard projects had been found,” ani Ridon.

Sa kaniyang opening statement ay sinabi ni Ridon na kabilang sa iimbestigahan ay ang mga napaulat na substandard project ng St. Timothy at Wawao Builders sa Calumpit, Bulacan, na parehong siniyasat ng pangulo kung saan nakita nito ang pagkasira at palpak na konstruksyon ng mga proyekto.

“The two substandard projects had been built within the last four years. The three projects had originated in the National Expenditure Program in previous years. We note with particularity St. Timothy and Wawao Builders, as these are among the top 15 flood control contractors mentioned by the President,” sinabi naman ni Ridon. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here