MANILA, Philippines – Mas mainam ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang Independent Commission for Infrastructure na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang gumawa na lamang ng imbestigasyon para sa maanomalyang government projects.
“Mas makakabuti na ipasa na sa ICI,” sinabi ni Dy sa pulong balitaan nitong Lunes, Setyembre 22.
Ang three-panel House Infrastructure Committee ay itinatag sa ilalim ng liderato ni dating Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez para imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects.
Nagsagawa ng dalawang pagdinig ang House Infrastructure Committee. Matapos nito, nagbitiw sa pwesto si Romualdez bilang Speaker upang ang ICI aniya “may pursue its mandate freely and fully, without doubt, without interference, without undue influence.”
Si Romualdez ay iniuugnay sa kontrobersiya sa flood control projects.
Sa kabilang banda, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa naturang isyu sa kabila ng pagkakaroon ng ICI.
Ang Kongreso ay mayroong kapangyarihan na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation maging ang pagrerekomenda ng paghahain ng kriminal at administrative na reklamo. RNT/JGC