MANILA, Philippines – SUPORTADO ng Malakanyang ang imbestigasyon sa di umano’y maling paggamit ng P6.4 billion sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kumbinsido si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na dapat lamang na tugunan ang nasabing usapin.
Nauna rito, sinabi ng House Committee on Public Accounts na dapat lamang na gawan ng fraud audit para makita kung mayroong pagkampi o pagpanig sa pagpapalabas ng P6.4-billion Local Government Support Fund (LGSF) sa BARMM.
“Kung ano po ang iniimbestigahan diyan ay talaga pong nararapat lamang na bigyan ng pansin at itama ang dapat na itama,” ayon kay Castro.
“Alam po natin na may nangyayaring hearing at iyan po ay ating nirerespeto dahil katungkulan naman po nila na magsagawa ng hearing at ito ay may kinalaman din sa kanilang oversight function,” aniya pa rin.
Nilinaw ni Castro na ang usapin di umano ng maling paggamit ng pondo ay iniuugnay sa kamakailan lamang na pagbibitiw sa puwesto ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim bilang chief minister ng Bangsamoro.
“Wala po itong kinalaman sa pagpapalit po ng Interim Chief Minister dahil mismo si Sir Ebrahim mismo ang nagsabi na kaya po siya bibitaw at dahil magko-concentrate po siya sa BARMM Parliamentary elections,” ang winika pa ni Castro.
Matatandaang, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong interim chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) si Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua upang palitan si Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Ahod Balawag ”Al Haj Murad” Ebrahim.
Si Macacua ay ang chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF at babalik sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang parlamento ng BARMM, kung saan siya’y nagsilbi mula noong 2019 hanggang sa italaga siya bilang OIC governor ng Maguindanao del Norte noong 2023.
Nabatid na ang MILF, na pinangunahan ni Ebrahim, ay isang dating grupong rebelde na nagpatakbo ng transition government ng BARMM. Sumasang-ayon ito na wakasan ang kanilang layuning mag-secede o humiwalay sa bansa bilang malayang estado kapalit ng isang kasunduan na nagresulta sa paglikha ng BARMM noong 2019.
Inaasahang magsisilbi si Macacua bilang interim chief minister hanggang sa manumpa ang mga nanalo sa unang halalan ng rehiyon pagkatapos ng bagong itinakdang petsa ng halalan para sa BARMM sa Oktubre 2025.
Ang bagong petsa ng halalan ay itinakda ng isang batas na ipinasa noong nakaraang buwan.
Ang layunin ng pagpapalit ng mga miyembro ng transition government ay nakasaad sa mga panukalang batas na isinumite nina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez upang i-reset ang halalan ng BARMM.
Ito ang Republic Act No. 121231, na nagtakda sa bagong petsa ng halalan sa Oktubre 13, 2025. Ayon sa batas, magpapatuloy ang mga miyembro ng BTA sa pagsisilbi sa transition government maliban na lamang kung sila ay papalitan ng Pangulo o kung ang kanilang panunungkulan ay maiksi dahil sa pagkapanalo sa ibang posisyon.
Si Macacua ay naghain din ng kanyang certificate of candidacy upang tumakbo para sa distrito ng Maguindanao del Norte habang si Ebrahim naman ay isang nominado ng regional political party ng MILF, ang United Bangsamoro Justice Party. Kris Jose