MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang imbestigasyon sa mga alegasyon laban kay dating chairperson Andres Bautista, na kinasuhan ng bribery at money laundering sa korte ng United States kaugnay ng 2016 elections.
Sinabi ni Comele chair George Garcia na hinihintay ng investigating panel ang mga dokumento at iba pang ebidensya, kabilang ang laban sa mga kasalukuyang empleyado.
Ayon kay Garcia, ang panel na ang bahala na mag-review at magpatawag ng mga tauhan kung kailangan at magbigay ng rekomendasyon sa komisyon.
Gayunman, sinabi ni Garcia na hindi nila ipapatawag ang dating opisyal ng Comelec.
“Technically, retired na sila. Wala na sa Comelec”, giit ni Garcia.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng US Department of Justice na sina Bautista at dalawang opisyal ng poll technology firm na Smartmatic na sina Roger Alejandro Pinate Martinez at Jorge Miguel Vasquez, ay kinasuhan para sa kanilang bahagi sa mga iligal na transaksyon upang mapanatili at makakuha ng negosyo na may kaugnayan sa 2016 national at local elections. .
Nasangkot umano sila sa pagbabayad ng hindi bababa sa USD1 milyon na suhol kay Bautista sa pagitan ng 2015 at 2018.
Ang Smartmatic ay ang Comelec service provider para sa mga automated na botohan mula 2010 hanggang 2022. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)