MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Imee Marcos na lubha siyang naiilang sa pagpunta sa campaign sorties ng Alyansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sanhi ng pagsuporta ng maraming kandidato sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Marcos na lubha siyang naapektuhan sa pag-aresto kay Duterte kaya’t hindi na siya pupunta sa campaign sorties ng Alyansa ni PBBM.
“Hindi pa kami nag-uusap ng ibang kandidato pero ako naiilang ako na pumunta dito sa mga Alyansa at iba pang pangangampanya. Ako ay iikot na lang sa lokal,” ayon kay Marcos.
“Pero ang mahalaga ngayon ay talagang malaman natin… bakit natin isusuko ang kapwa Pilipino sa dayuhan… Ang pinaka-importante talaga alamin natin kung tama ba itong nangyari sa ating bansa na nagiging halos probinsya na lamang tayo ng The Hague,” giit pa ng senador.
Tinutukoy ng senadora ang pagkulong kay Duterte sa The Hague, Netherlands na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) mula sa drug war ng dating Pangulo.
Noong nakaraang linggo, nagpahayag ng suporta ang ilang kandidato ni PBBM sa pag-aresto ng pamahalaan saka pagdala sa The Hague kay Duterte sa naturang kaso na mahigpit na ipinagtanggol ng Department of Justice. Ernie Reyes