MANILA, Philippines – Naawa si Senador Imee Marcos sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) sa mga umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs.
“Medyo nabigla ako sa pangyayari na inaresto si Presidente Duterte at hindi ako makapaniwala eh. Medyo nayanig ako masyado. Kawawa naman, kawawa naman si Presidente Duterte,” pahayag ni Senador Marcos sa isang press conference.
Iginiit ni Marcos na ang kaso at pag-aresto ay dahil sa politika at hindi hustisya.
Nagbabala rin ang senador na maaaring magdulot ng mga kaguluhan ang nangyaring pag-aresto sa dating Pangulo.
“Hindi na tayo natuto. Gulo lang ang dulot nito. Walang pakinabang ang naghihirap sa bangayang pulitika. Parang naging siklo na. Gumanda ba ang buhay natin dahil sa pamumulitika?” tanong ni Imee.
“Umasenso ba ang ating bansa? Sa lahat mga nakakahiyang yugto sa ating pulitika, gantihan ng gantihan, awayan ng awayan. Yumaman ba, nabusog ba? Sumaya ba ang taong bayan? Yun na lamang ang tanong ko,” dagdag pa niya.
Inalala ni Senador Marcos ang nangyari sa kanyang ama na si yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na napatalsik sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution noong 1986.
“Naawa ako sa tatay ko noong 1986. Naawa din ako sa mga sunod-sunod na Pangulo, kay Erap (Joseph Estrada), kay GMA (Gloria Macapagal Arroyo),” aniya.
“Ang akin lang, emotionally, talagang awang-awa ako, sobra. Kasi matanda na di ba? Parang sa tatay ko, anong nangyari? Ganon rin, nakakaawa rin,” dagdag nito.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na kayang ipagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili.
“Like any Filipino citizen, former President Duterte is entitled to legal recourse, and as a lawyer, he knows the proper steps to take. I trust that his rights will be respected and protected. Matibay at gumagana ang ating justice system kaya’t naniniwala ako na matitiyak na dadaan sa tamang proseso ang lahat at alinsunod ito sa mga umiiral na batas,” ani Estrada.
“Maintaining our nation’s unity and stability is crucial as we navigate this challenging chapter in history,” dagdag pa nito.
Nanawagan naman si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros kay Duterte na isuko na lamang nito ang sarili sa batas.
“Dumating na ang araw na hinihintay ng mga pamilya ng libo-libong Pilipino na napatay sa madugong ‘tokhang’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sana, bilang abugado, siya ay sumunod sa mga proseso nito,” pahayag ni Hontiveros.
“I also hope that Malacañang will honor its word and accede to all requests of the ICC, through the Interpol, and ensure that justice will run its full course,” dagdag pa ng senadora.
“The thousands of Filipinos killed during tokhang were not murdered by one man alone. I hope that this is just a start of the relentless pursuit of justice and accountability, especially among government officials who perpetrated the helpless deaths of the innocent.”
Umapela naman si Senador Robin Padilla kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na irekonsidera ang pakikipagtulungan nito sa ICC.
“Mr. President, once upon a time, when there was no one else to stand by you, my group supported and protected you in our own humble way. We consider ourselves your friends and loyal supporters,” sinabi ni Padilla.
“My earnest plea, Mr. President, is for you to exercise your executive power to halt the operations of the Philippine National Police in following directives from a foreign entity that undermines our laws and violates our sovereignty. The fate of our beloved country now rests in your hands, Mr. President,” dagdag pa nito. RNT/JGC