Home NATIONWIDE SC naglabas ng writ of amparo sa nawawalang detainee

SC naglabas ng writ of amparo sa nawawalang detainee

MANILA, Philippines – Naglabas ang Korte Suprema ng pribilehiyo ng writ of amparo sa pamilya ni Henry V. Tayo, Jr. na hindi na nakita matapos makulong sa Bacolod City Police Station 8 dahil sa pagnanakaw.

Sa isang En Banc decision, sinabi ng Korte Suprema na ang pagkabigong magsagawa ng maayos at masusing pagsisiyasat sa mga kaso ng sapilitan o hindi boluntaryong pagkawala ay lumalabag o nagbabanta sa karapatan ng isang tao sa buhay, kalayaan, at seguridad. Ang mga pagsisiyasat ay dapat na seryoso at epektibo at hindi isang pormalidad lang.

Ayon sa pulisya, pinalaya nila si Tayo sa limang barangay tanod at kay Melleza Besana (Besana), isa sa mga nagreklamo laban sa kanya.

Bagamat may ipinakita ang pulisya na bidyo ni Tayo na pinirmahan ang release logbook, wala naman itong maipakita na bidyo ng aktwal na pag-alis niya sa istasyon ng pulisya sa kabila ng mga hiling mula sa pamilya Tayo, Commission on Human Rights (CHR), at Public Attorney’s Office (PAO).

Ang pamilya Tayo ay naghain ng petisyon para sa writ of amparo na humihiling ng pagpapalabas ng production order laban sa pulisya sa Regional Trial Court.

Naglabas ang RTC ng writ of amparo at inatasan ang pulisya na maghain ng verified return sa loob ng 72 oras.

Sa kanilang return, sinabi ng pulisya na nabigo ang pamilya Tayo na patunayan na ang mga pulis ang may pananagutan sa pagkawala ni Tayo o kaya naman ay nagtago sila ng impormasyon tungkol sa lokasyon ni Tayo.

Tinanggihan ng RTC ang pribilehiyo ng writ of amparo at sinabi na walang pagpapakita na tumanggi ang pulisya na magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Tayo o na lumahok sila sa pagkawala ni Tayo.

Binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC at ipinagkaloob ang pribilehiyo ng writ of amparo sa pamilya Tayo.

Sa ilalim ng A.M. No. 07-9-12-SC o ang Rule on the Writ of Amparo (Rule), ang petisyon para sa isang writ of amparo ay isang remedyo na magagamit ng sinumang ang karapatan sa buhay, kalayaan, o seguridad ay nilabag o binantaang malalabag na isang ilegal na gawa o hindi pagkilos ng isang pampublikong opisyal o empleyado, o ng isang pribadong indibidwal o entity.

Ang Rule ay naglalayong tugunan ang mga extrajudicial na pagpatay at sapilitang pagkawala o enforced disappearance.

Ayon sa Korte Suprema, kumpleto ang lahat ng elemento ng sapilitang pagkawala:

*mayroong pag-aresto, detensyon, pagdukot, o pag-agaw ng kalayaan

*na isinagawa ng Estado
*na sinundan ng pagtanggi nitong kilalanin o magbigay ng impormasyon sa kapalaran o kinaroroonan ng tao
*na may layuning alisin ang tao mula sa proteksyon ng batas sa mahabang panahon.

Sa ilalim ng Section 17 ng Rule, ang mga pampublikong opisyal na tumutugon sa isang petisyon para sa writ of amparo ay dapat gumamit ng pambihirang kasipagan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, na kinabibilangan ng pag-iimbestiga sa mga sapilitang pagkawala na may alam sila at pagsisiwalat ng nauugnay na impormasyon.

Sa pasya ng Korte, nabigo ang pulisya na gamitin ang pambihirang kasipagan na ipinag-uutos ng Rule.

Dagdag pa nito, responsable at mananagot ang pulisya sa sapilitang pagkawala ni Tayo at inutusan silang magpakita ng lahat ng dokumento at materyales na konektado sa kaso.

Inutusan din nito ang National Police Commission, Philippine National Police, at Department of the Interior and Local Government na agad imbestigahan ang pagkawala ni Tayo at irekomenda ang pagsasampa ng naaangkop na kriminal at administratibong mga kaso laban sa kanila, kung kinakailangan. Ang kaso ay ibinalik sa RTC para sa pagpapatupad ng mga utos ng Korte. Teresa Tavares