
MALAKI talagang kontrobersya kung pupwedeng tumawid o magtutuloy-tuloy ang impeachment mula sa kasalukuyang ika-19 na Kongreso sa susunod na ika-20 na Kongreso.
May kontrobersya dahil sa iba’t ibang paniniwala kung pupwede o hindi na nakabatay umano sa Konstitusyong 1987, batas, desisyon ng Supreme Court at ginagawa ng mga dayuhan.
Para sa kampo ng mga gustong magtuloy-tuloy ang impeachment, kumakapit sila sa desisyon ng Supreme Court na Arnault vs. Nazareno na nagsasabing tuloy-tuloy ang buhay ng Senado, kasama ang impeachment.
Ngunit ang mga kumokontra, kumakapit naman sa mas bagong desisyon ng Korte Suprema sa Balag vs. Senate na nagsasabing hindi tuloy-tuloy ang buhay ng Senado, kaya lahat ng nakabinbing usapin, kasama ang mga hindi naipasang panukala at proceedings, ay magtatapos din sa pagsasara ng Kongreso.
May problema pa, walang sinasabi mismo sa Konstitusyon kung tuloy-tuloy o hindi ang buhay ng Senado bawat Kongreso kaya mahirap na batayan ang Konstitusyon, ayon na rin kina Sens. Francis Tolentino at Koko Pimentel.
Isa pa, 12 lang sa mga senador ang makabubuo ng Impeachment Court dahil sila lang ang naiwan kaugnay ng eleksyong 2025 kaya walang quorum at hindi maabot ang 2/3 o 16 na senador na kailangan para sa paglilitis at pagdedesisyon para sa conviction o acquittal ng akusado.
Mawawalan din ng oras ang 19th Congress sa paglilitis dahil titigil ang sesyon ng buong Kongreso, kasama ang Senado, simula sa Hunyo 13-14 at babalik lang sila para magsesyon sa Hulyo 27, 2025.
May nakabinbin pang kaso sa Supreme Court na pro at anti-impeachment na tiyak na makaaapekto rin sa kontrobersya.
Kaya huwag maging atat na atat sa impeachment na parang ito na lang ang mahalaga at sa harap pa ng higit na malalaking problema gaya ng sandamukal na paglustay o hindi paggamit ng salaping bayan katulad ng mahigit P600 bilyong anti-flood projects na depensa sana natin sa nakamamatay at mapanirang baha.