MANILA, Philippines – Mistulang nakahinga ang impeachment court sa desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na dumalo sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte na simulan noong nakaraang linggo.
Sa pahayag, sinabi ni Senator-judge Panfilo Lacson na maaaring makaiwas ang naturang desisyon sa impeachment court sa posibleng panghihimasok sa isang prosesong panghukuman.
Binanggit ni Lacson ang hiling ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa Impeachment Court na makipag-ugnayan sa Sandiganbayan upang payagan sina Estrada at Rodante Marcoleta na dumalo sa paglilitis, kahit kapwa silang nahaharap sa kasong plunder at graft sa anti-graft court.
“That would spare the Impeachment Court from acting on the pending motion of Senator-Judge Alan Cayetano for us to ‘ask the Sandiganbayan to allow Senators Estrada (and Marcoleta) to participate in the impeachment trial’, which may impliedly suggest that we are interfering with an ongoing judicial process,” aniya.
“I believe we still have to discuss the matter among ourselves as it is just my humble opinion,” dagdag niya.
Nitong Biyernes, iniulat na ibinasura ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang mosyon ni Estrada dahil sa “lack of merit.”
Sa mosyon, iginiit ng kampo ni Estrada na ang kanyang paglahok sa paglilitis bilang senator-judge ay isang “compelling reason” na nagbibigay-katwiran sa pansamantala niyang pagliban sa pagkakapiit.
Hiniling ni Cayetano sa Impeachment Court noong Lunes na “makipagugnayan” sa Sandiganbayan upang payagan sina Estrada at Marcoleta, na kapwa nahaharap sa kasong plunder at maraming kaso ng graft, na dumalo sa impeachment trial.
Nangyari ito matapos pagtibayin ng presiding officer na si Sen. Francis Escudero na 16 na boto ang kailangan upang mahatulan ang akusado sa paglilitis.
Si Estrada ay nakakulong sa New Quezon City Jail sa Payatas. Si Marcoleta naman ay inaresto noong nakaraang Lunes ngunit nananatiling nasa Philippine National Police General Hospital habang hinihintay ang kanyang paglipat sa isang regular na piitan. Ernie Reyes