Home OPINION IMPEACHMENT, KAMPANYA SA 2028

IMPEACHMENT, KAMPANYA SA 2028

1
0

TATAKBO bang Presidente si Mayor Leni Robredo? Si Pangulong BBM kaya ay tatakbong Bise-Presidente o ibang posisyon?

Ito ngayon ang mga tanong na unti-unting umiinit habang ginaganap ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at habang nagsisimula nang gumalaw ang mga pwersang pulitikal para sa halalan sa 2028.

Sa kasalukuyan, kung pagbabatayan ang mga survey, malayong nangunguna si Vice President Sara Duterte sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo. Malayo ang agwat ni Naga City Mayor Leni Robredo, gayundin nina Senadora Risa Hontiveros, dating Speaker Martin Romualdez, at iba pang pangalang lumulutang bilang maaaring tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Kung walang malaking pagbabago sa political landscape, mahihirapan ang sinomang haharap kay VP Sara sa laban sa pagkapangulo.

Kaya naman, hindi maiiwasang isipin ng ilan na ang magiging resulta ng impeachment trial ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa magiging takbo ng presidential race. Kung mapawawalang-sala si VP Sara, malamang na manatili siyang pangunahing kandidato sa pagkapangulo. Sa ganitong sitwasyon, posible ring piliin ni Robredo na manatili bilang alkalde ng Naga City kaysa sumabak sa isang napakahirap na laban.

Ngunit kung sakaling mahatulan si VP Sara at madiskwalipika sa paghawak ng anomang pampublikong posisyon, tiyak na magbabago ang buong political equation. Mas maraming personalidad ang maaaring mahikayat na tumakbo sa pagkapangulo.

Maaaring hikayatin si Mayor Leni na muling lumaban, maaari ring lumutang ang isa sa magkakapatid na Tulfo, habang sa panig ng Duterte ay maaari ring ihain ang pangalan ng kanyang mga kapatid o ni Senador Bong Go.

May mga nagsusuri rin kung magiging opsyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtakbo sa ibang posisyon matapos ang kanyang termino upang manatiling mahalagang pwersa sa pambansang pulitika. Bagama’t nananatili itong haka-haka sa ngayon, hindi maikakailang bahagi na ito ng mga usaping pampulitika.

Kung kaya’t habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings, hindi lamang ebidensya at batas ang pinagmamasdan ng publiko. Unti-unti na ring nabubuo ang larawan ng 2028 presidential elections.

Ang impeachment ay dapat manatiling usaping batas at pananagutan—hindi maging maagang entablado ng kampanya sa pagkapangulo. Sapagkat kapag pulitika ang nanaig sa hustisya, ang talo ay hindi lamang ang mga kandidato kundi ang sambayanang Pilipino

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here