ANG uniporme ng isang traffic enforcer ay dapat sumisimbolo ng dangal, integridad, disiplina, at tapat na paglilingkod. Ngunit sa tuwing may mga ulat ng umano’y pangongotong ng ilang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau, hindi lamang ang pangalan ng sangkot ang nadungisan kundi pati ang kredibilidad ng buong hanay ng mga traffic enforcer ng Lungsod ng Maynila.
Masakit isipin na sa halip na tumulong sa pagpapatupad ng batas trapiko, may ilan umanong ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang pagkakitaan ang mga motorista. Ang ganitong gawain ay hindi lamang paglabag sa batas kundi tahasang paglapastangan sa tiwalang ibinigay ng publiko.
Isang senior citizen ang nagbahagi ng kanyang karanasan matapos umanong sitahin ng isang traffic enforcer paglabas pa lamang ng Chinese General Hospital. Ayon sa kanyang salaysay, hindi man lamang ipinaliwanag kung ano ang kanyang paglabag. Sa halip na malinaw na ipatupad ang batas, ang naging bunga umano ay pangamba at abala, hanggang sa napilitan na lamang silang magbigay ng halagang hinihingi upang matapos ang insidente.
Kung totoo ang ganitong pangyayari, hindi ito dapat balewalain. Ang MTPB ay itinatag upang pangasiwaan ang maayos na daloy ng trapiko at ipatupad ang mga lokal na ordinansa, hindi upang maging dahilan ng takot at panggigipit sa mga motorista.
Kapuri-puri naman ang naging pahayag ni MTPB Chief Dennis P. Viaje na agad niyang paiimbestigahan ang insidente at papanagutin ang sinomang mapatutunayang lumabag sa tungkulin. Ganito dapat ang pamumuno—walang kinukunsinti at walang pinoprotektahang tiwali.
Hindi dapat hayaang ang iilang abusado ang sumira sa reputasyon ng maraming traffic enforcer na tapat na gumaganap sa kanilang tungkulin. Kung nais maibalik ang tiwala ng publiko, kailangang maging mabilis ang imbestigasyon, malinaw ang resulta, at mabigat ang parusa sa sinumang mapatutunayang nangotong.
Sa huli, ang respeto ay hindi hinihingi dahil lamang sa suot na uniporme. Ito ay pinaghihirapan sa pamamagitan ng tapat, makatarungan, at malinis na paglilingkod sa sambayanan.






