Home OPINION PUBLIKO HINDI SAFE KUNG MAGKAAWAY PULIS AT MEDIA

PUBLIKO HINDI SAFE KUNG MAGKAAWAY PULIS AT MEDIA

1
0

ANG tangkang pag-aresto ng ilang pulis sa dalawang photojournalist habang nagko-cover ng isang rally sa ginanap na ASEAN meeting sa Pasay kamakailan ay isang seryosong usapin na nararapat lamang na mabigyan ng agaran at masusing imbestigasyon. Sinundan ito ng may pagkiling na pahayag ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na nagdulot ng negatibong reaksiyon sa hanay ng media.

Bilang direktor ng NPC (National Press Club of the Philippines) at tagapagtaguyod ng malayang pamamahayag, ating nauunawaan ang pangamba ng ating mga kasama na makompromiso ang media safety and security habang nasa coverage tulad ng public assembly.

Kailanman ay hindi makatutulong ang anomang pahayag na tila nagpapahiwatig ng panghuhusga sa mga oras na hindi pa naman natutunton ang puno’t dulo ng sigalot.

Bilang pinuno ng Philippine National Police,natural lang naman ang pagkampi ni PGen. Nartatez sa mga nasangkot na pulis basta’t ‘lawful’ at nasa katuwiran pero hindi ba nararapat lamang, dear readers, na pangunahan niya rin ang ‘due process’ tulad ng pagsasagawa ng patas at masusing imbestigasyon bago siya maglabas ng kanyang konklusyon?

Kung may pagkukulang o paglabag na naganap, dapat itong papanagutin ayon sa batas—maging ito man ay mula sa hanay ng pulisya o ng sinomang sibilyan.

Hindi kailanman naging magkaaway ang pulis at ang media. Sa katunayan, pareho silang nagsisilbi sa publiko. Ang mga pulis ay tagapagpatupad ng batas at tagapagpanatili ng kaayusan, habang ang media naman ay nagsisilbing tagapaghatid ng impormasyon at tagapagbantay ng katotohanan. Kooperasyon at pagtutulungan ang kailangan sa halip na magbanggaan para sa kapakanan at kaligtasan ng mamamayan.

Sa bawat insidenteng tulad nito, ang kailangan ay mahinahong pag-uusap, paggalang sa karapatan ng bawat isa, at pananagutan kung kinakailangan. Hindi dapat gatungan ng mga pahayag na maaaring magdulot ng pagkakahati-hati sa dalawang institusyong parehong mahalaga sa isang demokratikong lipunan.

Ang ating panawagan kay PNP Chief ay napakasimple —pairalin ang due process, igalang ang press freedom, at tiyaking mananaig ang katotohanan kaysa emosyon. Ang tunay na panalo ay hindi ang alinmang panig, kundi ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon.

∞∞∞

Para sa inyong komento o reaksyon, mag-email lamang sa .

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here