Home OPINION PULIS NOON, KOLEKTOR NGAYON AT MISTERYOSONG ‘UKAY’

PULIS NOON, KOLEKTOR NGAYON AT MISTERYOSONG ‘UKAY’

1
0

SA kabila ng malaking sahod na tinatanggap ng mga miyembro ng pulisya, may ilan na pinipili pa ang luminya sa iligal na pangongolekta ng “tongpats” sa halip na tuparin ang sinumpaang tungkulin na magsilbi at protektahan ang mamamayan.

Isang halimbawa na rito ang nakarating sa ating impormasyon hinggil sa isang dating pulis na mas pinili pa ang maagang pagreretiro nang matuklasan na mas malaki pala ang ganansya bilang kolektor ng iligal na sugal at iba pang iligal na aktibidad.

Napag-alaman, nagsimula pa raw ang iligal na aktibidad sa Maynila nitong dating pulis na itago natin sa alyas “Singko” sa panahon ni Manila Police District PBGen. Arnold Abad noong nakaraang taon at itinuloy ang pangongolekta sa mga iligal na sugal hanggang pagpasok ng ngayo’y MPD Director PBGen. Arnold Santiago.

Maaaring hindi pa ito nakararating sa kaalaman ni Santiago dahil siya na rin ang nagsabi noong maupo sa pwesto na wala siyang dinalang “tao” sa MPD at hindi niya gawain ang magtalaga ng kolektor sa kanyang nasasakupan dahil malinaw ang kanyang direktiba na “no-take-policy”.

Kaya nang lumutang muli ang pangalan ni alyas Singko bilang kolektor ng MPD, lumutang ang katanungan kung sino ang nagbigay ng basbas sa kanya para pangunahan ang pangongolekta sa mga iligalista sa Maynila?

Hindi nga lang umano pangongolekta ang ikinakabit kay alyas Singko kundi mismong siya na rin daw ang nagpapatakbo ng iligal na sugal dahil may mga “butas” ng iligal na EZ2 sa ilang lugar na sakop ng Police Stations 1 at 2 sa Tondo, Station 3 sa Sta. Cruz at ilan pang pang lugar sa Maynila na ikinakabit sa kanyang pangalan at ang ginagamit na code sa kanyang iligal na operasyon ay “Ukay.”

Sabi pa ng impormante, kabilang si alyas “Singko” sa Batch 2013 kaya lumalabas na baka mahigit 10-taon lang siya sa serbisyo bago pinili ang pagiging kolektor. May lumabas tuloy na usap-usapan na mayroon umanong maimpluwensiyang tao na nagbibigay sa kanya ng proteksyon kaya hindi siya nababahala na baka mapalitan kapag nag-iba muli ng liderato ang MPD.

Siguro, kung wala naman talagang alam dito ang MPD chief, iutos na niya ang imbestigasyon kay alyas Singko para maging malinaw sa publiko kung may katotohanan o wala ang naturang impormasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here