Home HOME BANNER STORY Impeachment ni VP Sara, tinalakay na sa Kamara

Impeachment ni VP Sara, tinalakay na sa Kamara

Manila, Philippines – Nagpatawag ngayong umaga, Pebrero 5, ng caucus ang Mayorya sa Malaking Kapulungan ng Kongreso upang talakayin ang administrative agenda ng administrasyong Marcos sa pagtatapos ng 19th Congress.

Bagama’t ang ilang mambabatas ay nagsabing kabilang sa tinalakay ang ukol sa tatlong impeachment complaints na inihain laban kay Vice President Sara Duterte at ang ukol sa umano’y kampanya ngayong darating na eleksyon.

Nag-abiso na rin umano ang office of the House Secretary General sa Senado na ang impeachment ay maita-transmit sa Senado mamayang alas-7:00 ng gabi.

Magugunitang ang unang impeachment complaint laban kay VP Sara ay naihain sa Office of the House Secretary General noong Disyembre 2, 2024 ng civil society group at inindorso ng Makabayan Bloc.

Naka-angkla sa limang grounds ang unang impeachment na kinabibilangan ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust at high crimes.

Sinundan ito ng ikalawang impeachment na inihain ng Bayan Muna noong Disyembre 4, 2024 na nakabatay naman sa impeachable offense na betrayal of public trust.

Ang ikatlong impeachment complaint na inihain noong Disyembre 18, 2024 ng ilang mga abogado at civil society group ay nakabatay sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, bribery na sinamahan pa ng malversation of public funds.

Ngayong araw ang huling sesyon bago ang midterm election sa buwan ng Mayo at magbabalik ito pagkatapos ng eleksyon upang tuwirang isagawa ang Sine Die adjournment ng 19th Congress. Meliza Maluntag