Home HOME BANNER STORY Impeachment vs VP Sara lusot na sa Kamara

Impeachment vs VP Sara lusot na sa Kamara

MANILA, Philippines – Uusad na ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos umabot na sa 153 mambabatas ang pumirma sa impeachment complaint.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, alas-3:00 ng hapon sa gagawing sesyon sa House Plenary ihahayag ang pinal na boto ng mga mambabatas na pumabor sa impeachment.

Nasa 1/3 miyembro o nasa 103 mambabatas lamang ang kailangan para maisumite ang impeachment complaint sa Senado.

Sinabi ni Velasco na hanggang ala 1:00 ng hapon ay nasa 153 na ang pumirma sa impeachment subalit inaasahan na higit na numero pa ang maabot.

Una nang umugong sa Kamara na nasa 200 mambabatas ang pipirma sa impeachment.

Si VP Sara ay nahaharap sa 3 impeachment complaints, kabilang sa inirereklamo ay misuse of confidential funds, graft and corruption at betrayal of public trust na pawang basehan para mapatalsik sa pwesto sa ilalim ng 1987 Constitution.

Ang unang impeachment complaint ay inihain ni Akbayan Party-List Rep. Perci CendaƱa; ang ikalawa ay isinampa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) habang ang ikatlo ay inihain ng koalisyon na binubuo ng Catholic priests, civil society leaders at mga abogado.

Dahil inaasahang lulusot na sa Kamara ang impeachment ay nasa kamay na ng Senado ang susunud na hakbang, ang Senado ang syang didinig ng impeachment complaint at aaktong impeachment court. Gail Mendoza