Home NATIONWIDE Impeachment trial issue ni VP Sara, ayaw nang patulan ng Malakanyang

Impeachment trial issue ni VP Sara, ayaw nang patulan ng Malakanyang

MANILA, Philippines – TILA ayaw nang patulan ng Malakanyang ang mga sinasabi ni Vice-President Sara Duterte lalo na ang tinuran nito na mas kumpiyansa na ngayon ang mga miyembro ng kanyang (VP Sara) legal team na maipapanalo nila ang kinakaharap nitong impeachment complaint sa Senado.

“Kung iyon po iyong estratehiya nila, hayaan po natin,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

At sa tanong kung ‘agree’ ba ang Malakanyang sa sinabing ito ni VP Sara, ang naging tugon ni Castro ay “Wala pong kinalaman ang Palasyo sa  impeachment trial.”

Sa ulat, kinumpirma ni VP Sara na nagpulong sila ng kanyang mga abo­gado noong panahong siya ay nasa The Nether­lands upang dalawin ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, hinggil sa napipintong impeachment trial.

Gayunman, hindi nagbigay ng detalye ang Bise Presidente sa ginagawang paghahanda ng kanyang mga abogado.

“Ang aking impeachment, sinasabi ng mga lawyers, they are more than confident na mananalo sila sa impeachment. Ako naman, I am most confident with the lawyers working on my impeachment case,” pahayag ni Duterte, sa isang ambush interview.

Sa kabilang dako, wala sa kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang patungkol sa impeachment trial ni VP Sara.

Tugon naman ito ni Castro sa tanong kung nananatili pa rin ang posisyon ni Pangulong Marcos na huwag pigilan ang napipintong impeachment trial sa Senado  laban kay VP Sara,

“Kung ano po ang magaganap dito, nasa kamay na po ito ng Senado,” ayon kay Castro.

Samantala, hanggang ngayon ani Castro ay walang natatanggap ang Office of the President (OP) ng AOM o notice of disallowance.

“Kung sinuman ang nakatanggap nito at kung sinuman ang kinakailangang magpaliwanag dito, mauna po muna  siyang magpaliwanag, dahil mayroon pong trial na darating po,” ang tugon ni Castro nang hingan ng follow-up ukol sa transparency at accountability na isinusulong ng pamahalaan, kung  confidential and intel funds ang dahilan nung pag-impeach kay VP Sara, ay apektado rin ang Pangulo dahil ayon sa ulat ay isa rin ang Chief Executive sa top spender ng confi at intel funds. Kris Jose