MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng trailer truck na sangkot sa multiple vehicular accident na ikinasawi ng hindi bababa sa tatlong tao sa Marikina City nitong Miyerkules ng gabi, Abril 23.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang pagpapalabas ng SCO ay ang paunang yugto ng imbestigasyon, dahil ang rehistradong may-ari at ang driver ay inaasahang magpaliwanag sa kanilang panig ng aksidente.
“Gusto naming malaman kung ano talaga ang nangyari, at bahagi nito ay upang matukoy kung may mga lapses sa bahagi ng rehistradong may-ari sa mga tuntunin ng pagpapanatili ng trak at ang kondisyon ng driver sa oras ng aksidente,” sabi ni Asec Mendoza.
Kaugnay nito, batay sa ulat ng pulisya, lulan ang trak ng isang 40-foot container van at binabaybay ang Fortune Avenue sa Marikina City dakong alas-10 ng gabi nitong Miyerkules nang biglang huminto ang sasakyan at nagsimulang umatras habang bumibiyahe sa pataas na bahagi ng kalsada.
Nakasaad sa ulat ng pulisya na nawalan ng preno ang trak.
Hindi bababa sa tatlong tao ang namatay, iniulat na isang jeepney driver at dalawang tao mula sa isang sedan, habang 10 iba pa ang nasugatan.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang driver ng trak.
Sinabi ni Asec Mendoza na hihilingin sa driver ng trak na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa walang habas na pagmamaneho at pagiging hindi tamang tao sa pagpapatakbo ng sasakyan—ang parusa ay pagbawi ng lisensya.
Samantala, suspendido na ang driver’s license ng driver ng truck habang isinailalim sa alarma ang trak. Santi Celario