Home NATIONWIDE Impeachment trial ni VP Sara maaaring bumagal dahil sa isyu sa mga...

Impeachment trial ni VP Sara maaaring bumagal dahil sa isyu sa mga dokumento

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni House prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa na maaaring bumagal ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil hindi pumayag ang depensa na ihambing at pagtugmain ang mga dokumentong ebidensiya bago ang pagdinig sa Agosto 10.

Ayon kay Tolosa, ilang beses nang nakipag-ugnayan ang prosekusyon sa depensa upang ihambing ang mga dokumento bago ang pagdinig, ngunit Agosto 14 pa umano nais itong gawin ng depensa.

Ipinaliwanag niya na karaniwang ginagawa sa paglilitis ang paghahambing ng mga dokumento upang mapagkasunduan ng magkabilang panig ang pagiging tunay ng mga ito. Kung hindi ito magagawa bago ang pagdinig, maaaring isa-isang patunayan sa korte ang bawat dokumento, na mas magtatagal.

Sinabi rin ni Tolosa na ipaaalam nila ito sa presiding officer ng impeachment court.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig, inaasahang tumestigo ang dating COA auditor na si Aileen Del Campo, na hahalili kay Roderick Wamil. Tatalakayin niya ang iba pang Audit Observation Memoranda (AOMs) at ang mga sumunod na proseso ng audit na nauwi sa notices of suspension at notices of disallowance.

Nauna nang tumestigo si Wamil tungkol sa mga kakulangan sa liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd, kabilang ang paggamit ng acknowledgment receipts sa halip na official receipts, hindi tugmang mga petsa ng transaksiyon, at kulang na dokumento.

Ihaharap din ng prosekusyon bilang hostile witnesses ang Special Disbursing Officers na sina Gina Acosta at Eduard Fajarda, na humawak sa confidential funds ng OVP at DepEd at inaasahang magpapaliwanag kung paano natanggap, nagamit, at na-liquidate ang mga pondo.

Samantala, sinabi ni Tolosa na iginagalang ng prosekusyon ang karapatan ng mga senator-judges na magtanong para sa paglilinaw at naniniwala silang hindi nito pinahina ang kanilang kaso, kundi lalo pang pinagtibay ang mga naunang testimonya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here