MANILA, Philippines – Maaaring simulan sa loob ng tatlo hanggang limang taon ang site development ng Pax Silica, ang planong US-led artificial intelligence (AI) hub sa New Clark City, Tarlac, ayon sa BCDA.
Ayon kay BCDA President at CEO Joshua Bingcang, ang unang yugto ng proyekto ay sasaklaw sa humigit-kumulang 500 ektarya ng kabuuang 1,620 ektaryang lugar. Inaasahang magiging ganap na operational ang proyekto sa loob ng 30 taon.
Layunin ng Pax Silica na gawing AI hub ang Pilipinas sa pamamagitan ng pag-akit ng mas maraming semiconductor at AI-related companies. Inaasahan ding makatutulong ito upang tumaas ang exports ng bansa sa humigit-kumulang $200 bilyon.
Nilinaw ni Bingcang na hindi pangunahing data center project ang Pax Silica. Ang anumang data centers na itatayo roon ay para lamang suportahan ang mga semiconductor companies na mamumuhunan sa lugar at hindi para sa malalaking global hyperscale data centers.
Idinagdag niyang ang New Clark City ay pangunahing inilaan para sa industrial use, at kung magkakaroon man ng malalaking data centers, hindi ito magiging bahagi ng Pax Silica at ilalagay sa ibang lugar.
Samantala, sinabi ni Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo na sumali ang Pilipinas sa isang coalition ng humigit-kumulang 23 bansa upang mapalakas ang mineral at semiconductor industries ng bansa at makapagdagdag ng halaga sa mga mineral na kasalukuyang iniluluwas nang hindi pa gaanong napoproseso.
Ayon kay Rodolfo, nonbinding ang kasunduan, kaya maaaring umatras ang isang bansa anumang oras, ngunit ang mga kasaping bansa ay nakikinabang sa koordinadong pamumuhunan at mga inobasyon na mabubuo sa ilalim ng koalisyon. RNT/MDS