MANILA, Philippines – Mahigit 1/3 ng miyembro ng House of Representatives o nasa 215 mambabatas ang pumirma para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang ulat sa sesyon sa House Plenary, inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco na ang mga kongresista ay pumirma sa ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte.
Ang ikaapat na impeachment complaint na inendorso ng mga kongresista ay hiwalay pa sa tatlong nauna nang reklamo na inihain laban kay VP Sara.
Sa nasabing sesyon, ipinaliwanag ni House Deputy Speaker Manix Dalipe na ang 3 nauna nang impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara ay ilalagay sa “archive.”
Ipinaliwanag ni Velasco na 1/3 lamang o nasa 102 miyembro ng Kamara ang kailangan para umusad ang impeachment complaint subalit sa reklamo kay VP Sara ay sinuportahan ito ng mayorya ng mga mambabatas o nasa kabuuang 215 na sobra-sobra na sa kailangang boto.
Pitong articles of impeachment ang inilatag ng complainants laban kay VP Sara at ang grounds ay Betrayal of Public Trust, Culpable Violation of the Constitution, Graft and Corruption, Malversation of Public Funds at Committed High Crimes.
Kabilang sa mga pinagbatayan ng endorsers ay ang umano’y assassination plot ni Duterte laban kina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez; maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Bukod dito, nilabag umano ng pangalawang pangulo ang Republic Act 3019 nang mamahgi ito ng “monetary gifts” na nakasilid sa envelopes sa ilang opisyal ng DepEd at OVP na may kaugnayan sa procurement functions.
Samantala, idinagdag ng complainants ang di naipaliwanag na yaman ni Duterte at bigong pagdedeklara ng lahat ng ari-arian at interes sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN mula pa noong maging bise-alkalde ito ng Davao City taong 2007.
Samantala, pinangalanan na ng Kamara ang 11 mambabatas na aaktong prosecutors sa gagawing impeachment process, kabilang dito sina Rep. Gerville Luistro, Rep. Romeo Acop, Rep. Rodge Gutierrez, Rep. Joel Chua, Rep. Raul Angelo Bongalon, Rep. Loreto Acharon, Rep. Marcelino Libanan, Rep. Arnan Panaligan, Rep. Isabel Maria Zamora, Rep. Lawrence Defensor at Rep. Jonathan Keith Flores.
Matapos iendorso ng Kamara ang articles of impeachment ay agad na tumulak sa Senado si Velasco upang ihatid ito sa Senado na syang aaktong impeachment court. Gail Mendoza