Home NATIONWIDE Pag-aalis ng U-turn slot sa C5 inirekomenda

Pag-aalis ng U-turn slot sa C5 inirekomenda

MANILA, Philippines – “Approved in principle” ang pansamantalang pagtanggal sa U-turn slot sa kahabaan ng C5 Road sa Parañaque City.

Bahagi ito ng pagsisikap na ayusin ang traffic situation sa Metro Manila.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes na ang pagtanggal sa U-turn slot sa kahabaan ng C5-Kalayaan Avenue Interchange ay isa sa mga pangunahing rekumendasyon na binanggit sa pulong kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Martes.

Sinabi pa ni Artes na mayroon ding rekumendasyon na magkabit ng stop light at magtayo ng underpass upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa nasabing lugar.

“In effect, [it’s] approved na po [already] in principle,” ang sinabi ni Artes, nang tanungin kung ang panukalang alisin ang U-turn slot sa kahabaan ng C5 Road ay aprubado na.

“Kailangan lamang po na aralin, unang-una, ‘yung traffic management plan doon sa area kasi po, lalagyan po iyan ng stop light in case. And then ‘yung budgeting po siguro nang paggawa ng underpass,” aniya pa rin.

Nakapulong ni Artes si Pangulong Marcos, araw ng Martes para magbigay ng update sa implementasyon ng five-year Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP).

Aniya, halos kalahati ng 12 estratehiya sa ilalim ng CTMP ang naipatupad na.

“Iyan po ay sinisimulan na nating gawin. In fact, marami po sa rekomendasyon, almost half na yung na-implement po natin at patuloy na rin po nating ginagawa, kasama po diyan ‘yung pag-aayos ng mga intersection at iba pa pong mga gawain,” ang sinabi ni Artes.

Saklaw ng CTMP ang 12 traffic management strategies, kabilang na rito ang “urgent and continuous improvement of 209 identified traffic bottlenecks, especially the 42 major or priority intersections, 64 road segments and seven areas.”

Layon din nito na ayusin at i-upgrade ang traffic signal system; ayusin pa ang intersections at traffic corridors; palakasin at ayusin ang intelligent transportation system; palakasin ang traffic regulation at enforcement; pagpapatupad ng road safety; promosyon ng aktibong transportasyon; at development ng isang comprehensive traffic management database.

Layon din ng five-year action plan ang palakasin ang kapasidad ng MMDA pagdating sa traffic management; palakasin ang external coordination ng MMDAs kasama ang traffic management organizations; i-promote ang komprehensibong transportasyon o traffic management planning ng local government units; at palakasin ang transportation network.

Inilatag din ni Artes kay Pangulong Marcos ang benepisyo ng rekumendasyon na i-adjust ang working hours ng government workers mula alas- 7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa halip na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Gayunman, inamin nito na ang masusing pag-aaral ng panukala at feedback mula sa iba’t ibang ahensiya ay kailangan.

Aniya, ang implementasyon ng panukala ay depende sa data.

“Na-experience po namin iyan dito sa MMDA noong nag-implement po kami ng 7 to 4. Mas gusto po ng aming mga empleyado dahil mas nakakauwi sila ng mas maaga dahil hindi po nila nasasapol ‘yung traffic lalung-lalo na sa hapon,” ang litaniya ni Artes.

“Hopefully within the year, if data will show na talagang may substantial improvement sa traffic, particularly sa major roads, iri-request po natin iyan sa Pangulo na ma-implement based on data,” aniya pa rin. Kris Jose