MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang implementasyon ng mga prayoridad na proyekto at programa ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nakatutok ang Pangulo na iprayoridad ang mga pangangailangan ng mga filipino.
Ang pahayag na ito ni Castro ay bilang pagbibigay-diin na rin sa kawalan ng plano ni Pangulong Marcos na makialam sa nagbabadyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Ang mabe-verify ko po sa inyo, totoo pong ipinag-utos ng Pangulo na dapat asikasuhin po namin ang trabaho, dapat madaliin po ang pag-i-implement ng mga proyekto na nais niya parang sa taumbayan,” ani Castro.
“Pero pagdating po sa impeachment, iyan po ay nasa kamay na po ang Senado, nasa kamay na rin po ito ng mga prosecutors, so hayaan na lamang po natin iyong prosesong dumaloy nang normal,” ang pahayag pa rin nito.
Sa katunayan, may ilang Cabinet members ni Pangulong Marcos ang nagpulong para talakayin ang mga pangunahing programa ng kasalukuyang administrasyon na nangangailangan ng agarang pagpapatupad.
Ang agenda ng meeting ay unang naisiwalat ni Transportation Secretary Vince Dizon na dumalo sa pagpupulong.
Binigyang diin ni Castro ang kahalagahan ng pagkakaisa lalo pa’t tapos na ang halalan sa bansa.
Looking forward naman si Pangulong Marcos na makatrabaho ang lahat ng mga bagong halal na opisyal kabilang na ang presumptive winners sa Senate race.
“Walang anumang kulay ng pulitika. Dapat lahat po ng nahalal ay magkaisa-isa, magkaroon po ng kooperasyon. Ito naman po ay para sa taumbayan. Huwag naman po sana laging politika ang pinag-uusapan at hindi po tayo makakilos at makakausad kung puro pamumulitika at pang-iintriga ang gagawin natin sa pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.
“Mas nanaisin po ng ating Pangulo na kung anuman po iyong maganda niyang proyekto ay sang-ayunan ng mga mambabatas para po hindi tayo mahirapan sa pagkuha ng budget para po sa taumbayan. Hindi po hahadlang din ang Pangulo kung anuman po ang kanilang mga suhestiyon, kung ito man ay hindi naaayon sa programa sa Pangulo,” aniya pa rin. Kris Jose