Home NATIONWIDE MMDA umapela sa SC sa pagbabalik ng NCAP

MMDA umapela sa SC sa pagbabalik ng NCAP

MANILA, Philippines – Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Korte Suprema na alisin na ang ipinataw nito na temporary restraining order laban sa no contact apprehension policy (NCAP).

Naghain ng urgent motion ang MMDA sa Supreme Court sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG).

Ang NCAP ay polisiya ng MMDA na gumagamit ng closed-circuit television, digital cameras at iba pang mga gadget at teknolohiya para makakuha ng videos at images para mahuli ang mga sasakyan na lumalabag sa batas trapiko.

Sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes, mahalaga na maipatupad muli ang NCAP para mabawasan ang mabigat na trapiko sa EDSA dulot ng pagpara sa mga lumalabag.

Kung hindi sila aniya pagbibigyan ng Korte, pinag-aaralan na ng MMDA ang posibilidad na ipatupad ang NCAP sa mga bus.

Magugunita na August 2022 naglabas ang Supreme Court ng TRO laban sa no contact apprehension policy na ipinatutupad ng ilang
local government units sa Metro Manila.

Ito ay matapos maghain ng petisyon sa SC ang ilang transport group na kumikwestyon sa ordinansa ng mga LGU hinggil sa pagpapatupad ng NCAP.

Iginiit ng mga transport group na labag sa konstitusyon ang NCAP. TERESA TAVARES