MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya sa Pasig City ang isang ina matapos subukang ipagbili ang kaniyang isang taong gulang na sanggol kapalit ng P8,000 sa isang undercover operation ng PNP Cybercrime.
Ayon kay PNP-Anti-Cybercrime Acting Director Brig. Gen. Wilson Asueta, may pitong anak ang suspek at naibenta na niya ang isa noon; ngayon ang bunso ang ipagbibili umano dahil sa kahirapan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasig City Social Welfare and Development Office ang sanggol, habang hinahanap pa ng pulisya ang anak na naibenta na.
Nagbabala ang PNP na sinumang susubukang bumili o magbenta ng bata online ay paparusahan sa ilalim ng batas.
Ani Asueta, “Kung gusto niyong mag-ampon, pumunta kayo sa karapat-dapat na ahensya ng gobyerno, lalo na sa DSWD, at dapat ayiproseso sa korte.” RNT/MND