Home METRO Ina itinumba sa harap ng 2 anak

Ina itinumba sa harap ng 2 anak

ANGASINAN- Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagpatay sa isang ginang matapos pagbabarilin sa harap mismo ng kanyang dalawang anak noong Martes sa lalawigan ito.

Kinilala ang biktimang si Aurelia de Vera, 46-anyos at residente ng Barangay Bolosan, San Carlos City, Pangasinan.

Batay sa report ng San Carlos City Police Station, naganap ang krimen noong Martes ng gabi sa Barangay Caingal ng nasabing lungsod.

Sa paunang imbestigasyon, pauwi na sa kanilang bahay ang biktima sakay ng tricycle kasama ang 17-anyos na anak na babae at 3-taong gulang na lalaki na mga anak nito.

Pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang hinarang mga dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo at isa sa mga ito ay bumunot ng baril at pinagbabaril si de Vera na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen o kung may kinalaman ito sa akusasyong pagnanakaw.

Sinusuri na rin ng pulisya ang CCTV sa lugar sa posibleng nakuhanan ang mga suspek para sa pagkakakilanlan sa mga ito. Mary Anne Sapico