Marikina City — Isang ina ang nagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng kanyang anak sa isang payout event na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Abril sa Marikina Sports Center
Base sa ulat ng SMNI, ang nasabing payout ay sa isinagawa sa pakikipagtulungan umano ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo.
“Ang pinakamasakit po nito para sa akin, dapat ang anak ko ang maglilibing sa akin balang araw—pero ngayon, ako ang maglilibing sa kanya,” ayon sa ina ng biktima. “Kahit hindi ko man laging nasasabi, pinaramdam naman namin sa iyo kung gaano ka namin kamahal.”
Ayon sa kwento ng ina, isang araw bago ang insidente ay mahigpit siyang niyakap ng kanyang anak, sabay sabing, “Mama, mahal na mahal kita.” Hindi niya akalaing iyon na pala ang huling pagkakataong magkikita sila.
Kinilala ng Marikina City Police ang biktima na residente ng Barangay Sto. Niño. Batay sa inisyal na ulat, maaga itong pumila sa payout site bandang alas-7 ng umaga, kasama ang kanyang live-in partner. Pagsapit ng alas-4:10 ng hapon, nakaranas siya ng hirap sa paghinga at nawalan ng malay.
Agad siyang dinala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-5:09 ng hapon.
Bagama’t hinihintay pa ang opisyal na resulta ng pagsusuri, ilang ulat sa social media at mga saksi ang nagsabing maaaring sanhi ng pagkapagod at matinding init ang ikinamatay ng biktima.
Dagdag pa ng ilang saksi, hindi umano agad natugunan ang pangangailangan ng biktima dahil mas inuna umano ng mga event coordinator ang pagpigil sa mga residenteng kumukuha ng video ng insidente.
Isang video ang kumakalat ngayon na nagpapakita ng mahabang pila ng mga residente na nakabilad sa araw sa labas ng sports center.
Patuloy ang panawagan ng mga kaanak at residente para sa mas maayos na sistema sa pamamahagi ng ayuda at accountability mula sa mga organizer ng event.
Nakiusap rin ang nanay ng biktima na ipatigil na pagpapakalat ng bidyo ng pagkasawi ng kanyang anak sa social media maging ang iiwas sa isyu ng pulitika ang nasabing insidente.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay at tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office – National Capital Region (NCR) sa pamilya ni Engin, isang delivery rider na pumanaw habang nasa payout event sa Marikina City noong Abril 28.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Mayo 1, sinabi ni DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita ng ahensya na si Irene Dumlao: “Lubos kaming nalulungkot sa pagpanaw ng aming kliyente na ang tanging hangad ay maitaguyod ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ang biglaang pagkawala ng isang mahal sa buhay ay isang napakasakit na karanasan, at sisiguraduhin ng Kagawaran na makatatanggap ng kaukulang tulong ang kanyang pamilya sa panahong ito ng pangangailangan.”
Noong Abril 30, nagtungo ang mga social worker ng DSWD-NCR sa burol ni Engin upang personal na ipaabot ang tulong na P50,000 para sa gastos sa libing. RNT